HANDA na ang Philippine National Police (PNP) para sa inaasahang round 2 ng Trillion Peso March at iba pang kilos-protesta sa susunod na buwan, ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Ayon kay Nartatez, may nakahanda nang security template o nakasanayang sistema ang PNP upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan sa tuwing may mga kilos-protesta.
Aniya, subok na ang kakayahan ng pambansang pulisya sa pagtugon sa malalaking aktibidad gaya ng Mayo Uno, EDSA People Power Anniversary, at mga nagdaang rally noong Setyembre 21.
Dagdag pa ni Nartatez, gagamitin ng PNP ang lahat ng kanilang resources upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa mga isasagawang aktibidad.
Samantala, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang pagkakadoble ng mga tungkulin sa loob ng PNP, kinumpirma ni Nartatez na binuwag na ang limang Area Police Command (APC) sa bansa.
Batay ito sa kautusang inilabas ng National Police Commission (NAPOLCOM). Si Nartatez ay dating hepe ng APC-Western Mindanao bago italagang Acting PNP Chief.
Kabilang sa mga binuwag na APC ang nasa Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, Eastern Mindanao, at Western Mindanao — na dating katuwang ng militar sa mga usapin ng internal security.
Bukod dito, inihayag din ni Nartatez ang pagbuo ng bagong Task Force DPAG na tututok laban sa mga armed group.
Pangunahan ito ni Deputy Chief for Operations PLTGen. Edgar Alan Okubo, na magtatalaga ng mga Sub-Task Group Commanders sa mga lugar na dating nasasakupan ng mga binuwag na APC.
Nilinaw ni Nartatez na hindi nilikha ang task force upang magdagdag ng mga bagong one-star rank, kundi upang mas mapaigting ang koordinasyon at operasyon ng PNP laban sa mga banta sa seguridad.
(TOTO NABAJA)
