RAPIDO ni PATRICK TULFO
DALAWANG buwan na ang nakalipas mula nang umpisahan ng Senado ang imbestigasyon sa ibinunyag ni Pangulong Bongbong Marcos na anomalya sa flood control projects.
Marami na ang naipatawag at napangalanan, mula sa mga opisyal ng DPWH, construction firms na tumiba ng bilyong-bilyong kontrata sa gobyerno, at mga politikong kasabwat umano ng mga ito.
Nakasuhan na ang karamihan sa mga sangkot, kabilang na sina dating DPWH Assistant District Engineer Brice Hernandez, DPWH District Engineer Henry Alcantara, iba pang mga kawani ng DPWH, mag-asawang Curlee at Cesarah Discaya at iba pang may-ari ng mga kumpanya tulad ng Wawao Builders at Syms Construction.
Pero hanggang ngayon ay wala pa ring humaharap sa mga pinangalanang politiko, maliban na lamang kina Sen. Joel Villanueva at Sen. Jinggoy Estrada na tahasang pinangalanan ni Hernandez sa pagdinig, na kasama sila.
Hindi sana mangyayari ang ganitong uri ng korupsyon kung ang mga nakaupong lider sa bansa ay malilinis.
Matatakot sana mangulimbat ang mga kawatang contractor at opisyal ng DPWH kung alam nilang may paglalagyan sila sa politikong nagpondo sa proyekto, kung hindi gagawin nang maayos ang kanilang trabaho.
Pero dahil halos kalahati ang kinukuha ng korap na politiko (25-30% na SOP) bukod pa sa lagay sa district engineers, ano pa ang matitirang pondo para sa proyekto? Ok na sana kung talagang ‘di nila mapigilang hindi kumita sa proyekto, kumurot na lang sana sila, kaso dakot ang ginawa ng mga sugapa!
Nanghingi na ng SOP, hindi pa tiniyak kung nagawa ba ang proyekto, gaano kakapal ang mukha ng mga ito, ‘di ba? Wala silang pakialam kung tinapos ba o hindi ang proyektong pinondohan nila kasi nakuha na nila ang para sa kanila.
Hindi sapat ang pagbubuo ng task force para imbestigahan ang korupsyon na ito, dapat ay makita ng taumbayan na may managot. Ibig sabihin makasuhan at makulong ang tunay na nasa likod ng korupsyong ito. Nasasaktan silang tawaging mga buwaya, pero walang matinong tao ang gagawa ng ganyang katakawan sa pera, mga buwaya lang.
