HANDBOOK PARA MAPALAKAS PEACEKEEPING ROLE NG MGA TANOD SA BANSA, INILABAS NG DILG

NAGLABAS kahapon ng manual ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa libo-libong barangay tanod sa buong bansa bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan para sa mas ligtas at mapayapang mga komunidad.

Ang bagong Barangay Tanod Handbook ay inilunsad alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang peacekeeping efforts sa lokal na antas.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, layon ng handbook na gawing mas epektibo at makabuluhan ang tungkulin ng mga tanod bilang unang tagapagpatupad ng kapayapaan at seguridad sa barangay.

“With this holistic guidebook, our barangay tanods are positioned to be more than just auxiliary enforcers — they are also community peacebuilders, rights advocates, and development partners,” ani Remulla.

Sa pakikipagtulungan ng DILG sa Justice Sector Coordinating Council (JSCC), pinalakas ng National Barangay Operations Office (NBOO) ang dating “Barangay Tanod Skills Enhancement” manual upang maging mas komprehensibong sanggunian hinggil sa teknikal at etikal na tungkulin ng mga tanod.

Batay sa Local Government Code of 1991, may awtoridad ang mga Sangguniang Barangay na mag-organisa ng tanod force bilang bahagi ng community-based peacekeeping mechanisms.

Ayon kay Remulla, kabilang sa mga bagong probisyon ng “Tanod Guidebook” ang mga instructional updates para sa mga first responders, kabilang ang tamang paghawak ng crime scene, gender and development awareness, child protection, cultural sensitivity, at human rights protocols.

Bilang bahagi ng inisyatiba, nagsagawa rin ang DILG at JSCC ng Barangay Tanod Skills Enhancement Training sa apat na justice zones — Angeles City, Balanga City, Calamba City, at Tagaytay City — upang mapalakas pa ang kakayahan ng mga tanod sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang mga komunidad.

(JESSE RUIZ)

94

Related posts

Leave a Comment