DOF, DBM PAG-AARALAN MUNA ‘TAX HOLIDAY’ NI TULFO

KAILANGANG pag-aralang mabuti ng Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) ang panukala ni Senator Erwin Tulfo na isang buwang income tax holiday para sa mga manggagawa — kasabay ng isyu ng multi-bilyong “ghost flood control projects” ng gobyerno.

Ayon kay Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go, malaking usapin ang panukala at dapat itong pag-aralan nang mabuti bago magbigay ng anumang pahayag.

“This is quite a big matter. It’s best to give the DOF and DBM time to carefully study this proposal,” ayon kay Go.

Sa ilalim ng Senate Bill 1446 o ang One-Month Tax Holiday of 2025, layon ni Tulfo na bigyan ng agarang ginhawa ang mga manggagawa sa pamamagitan ng isang buwang exemption sa income tax.

Sakop ng panukala ang lahat ng individual taxpayers na tumatanggap ng sweldo, habang para sa mga mixed-income earners, tanging bahagi ng kita na pasok sa “compensation income” ang malilibre sa buwis.

Ipapatupad umano ito agad sa unang payroll month kapag naisabatas na, ngunit hindi kasama sa tax holiday ang mga SSS, GSIS, PhilHealth, Pag-IBIG contributions, loan amortizations, at iba pang voluntary payments.

Giit ni Tulfo, makatarungan lang na maramdaman ng taumbayan ang “refund” ng pera ng bayan, lalo na matapos mabunyag ang mga anomalya sa flood control projects.

“Matapos ang mga katiwaliang ito, bumagsak ang tiwala ng mga Pilipino sa gobyerno. Panahon na para ibalik iyon — kahit sa simpleng paraan,” dagdag pa ng senador.

(CHRISTIAN DALE)

109

Related posts

Leave a Comment