NASILIP ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang ilang anomalya sa Department of Agriculture partikular sa mga ginawang farm to market roads ng Department of Public Works and Highways gayundin sa pamamahagi ng benepisyo sa mga magsasaka.
Sa pagtalakay sa panukalang 2026 budget ng DA, binusisi ni Gatchalian ang listahan ng farm to market roads ng ahensya na ginawa ng DPWH mula 2023 hanggang 2024 kung saan natukoy ang labis na overpricing.
Inilarawan pa ni Gatchalian na extremely overpriced ang ilang mga proyekto dahil nasa P100,000 hanggang P348,000 ang presyo ng kada metro ng kalsada gayung sinabi ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel na kayang gawin ang farm to market road sa presyong P10,000 kada metro.
Sa kabuuan, sinabi ni Gatchalian na aabot sa mahigit P10 bilyon ang pondong nagamit sa overpricing na maaari na anyang magpatayo ng two lanes farm to market road mula Metro Manila hanggang Aparri.
Inamin ni Laurel na sobrang nakakalula ang mga presyong ito kasabay ng pag-amin na batay sa inisyal nilang audit may mga proyektong hindi nila mahanap.
Sa datos na nakuha ni Gatchalian, karamihan sa mga proyekto ay matatagpuan sa Bicol at Leyte bukod pa sa nakakuha ng mga ito ay ilan sa mga kumpanyang iniuugnay kay Cong Zaldy Co.
Bukod dito, nasilip din ni Gatchalian ang mga posibleng 6 na milyong ghost farmers beneficiaries o mga magsasaka na binibigyan ng ayuda tulad ng subsidiya para sa gasolina, fertilizer, seedlings, conditional cash transfer at crop insurance.
Ito ay makaraang lumitaw sa record ng DA na umaabot sa 13.5 milyon ang registered farmers gayung sa Philippine Statistics Authority ay aabot lamang sa pitong milyon ang rehistradong magsasaka.
Nagbanta si Gatchalian na kung hindi masosolusyunan ng DA ang problemang ito ay tatanggalin nila ang pondo para sa subsidiya.
(DANG SAMSON-GARCIA)
100
