PAGSIKIL SA PDP MAPANGANIB – SPOX

NAGBABALA si deputy spokesman Atty. Ferdinand Topacio laban sa pagtatangka na sikilin ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na aniya’y “mapanganib” at maaaring magresulta sa karahasan.

Ito ay makaraan niyang ideklara ang PDP bilang bagong kinikilalang oposisyon sa bansa.

Ginawa ni Topacio ang pahayag sa “MACHRA Balitaan” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) na ginanap sa Century Seafood Restaurant sa Malate, Manila kamakailan.

Ayon kay Topacio, ang anomang pagtatangka na pigilan ang isang lehitimong partidong oposisyon ay lubhang mapanganib para sa gobyerno.

Binanggit ng abogado ang pagtatangkang iugnay siya at si dating City Administrator Bernie Ang, na PDP-National Capital Region President, sa karahasang naganap sa nakaraang anti-corruption rally sa Maynila.

Sinabi ni Topacio na nakatanggap ang “lehitimong oposisyon” ng malinaw na mensahe na huwag silang makisali sa rally dahil kung gagawin nila ito ay aakusahan sila ng mga “di kapani-paniwalang bagay.”

“If such efforts to deter the legitimate opposition from exercising the Constitutional right to peaceably assemble to petition the government for redress of grievances succeeds, ‘who else will be left? Ang matitira diyan, sino? ‘Yung violent opposition. Kaya ‘wag ninyo sikilin ang centrist opposition dahil ‘yan ang peaceful opposition,” giit ni Topacio.

Idinagdag pa niya na ang lehitimong oposisyon ay naniniwala sa regular na proseso ng eleksyon at kumikilos nang naaayon sa Saligang Batas.

Aniya, ang PDP ang lumalabas na “major opposition” dahil ang mga “yellows,” “pinks,” at makakaliwang grupo ay naging malapit na sa administrasyon.

(JESSE RUIZ)

73

Related posts

Leave a Comment