CAVITE – Tinutugis ng pulisya ang isang 30-anyos na caretaker matapos tubuhin at napatay ang isang construction worker na kanyang kinompronta dahil sa matagal nang alitan sa bayan ng Amadeo sa lalawigan noong Sabado ng gabi.
Isinugod sa Amadeo RHU ang biktimang si alyas “Sid”, 46, residente ng Southville 2, Brgy. Aguado, Trece Martires City, Cavite subalit namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa sugat dulot ng palo ng matigas na bakal sa ulo.
Kinilala naman ang suspek na si alyas “Ronald”, binata, tubong Bicol, tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Barangay Halang, Amadeo, Cavite.
Una rito, nakipag-inuman ang biktima kasama ang ilang kaibigan sa labas ng kanilang barracks at nang natapos ay nagdesisyon itong umuwi na.
Ngunit sinundan siya ng suspek na umano’y nakainum din, kinompronta hinggil sa kanilang dating alitan na humantong sa mainitang pagtatalo.
Pagkaraan ay paulit-ulit na hinampas ng suspek ng tubo sa ulo ang biktima hanggang sa bumagsak at nawalan ng malay.
Tumakas ang suspek habang dinala sa ospital ang biktima subalit namatay habang nilalapatan ng lunas.
(SIGFRED ADSUARA)
91
