KINUMPIRMA ng PNP-Anti Kidnapping Group na apat na hinihinalang mga kidnapper ang napatay sa nangyaring rescue operation sa Parañaque City noong Miyerkoles ng gabi.
Sa isinagawang pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni AKG Director PBGen. Glicerio Cansilao, nagawa pang maisugod ang mga suspek sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival.
Napag-alaman na dalawa sa mga nasawi ay dating mga pulis na nasibak sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa krimen, habang ang dalawa naman ay mga sibilyan na dating nasangkot sa kidnapping.
Samantala, sugatan naman ang isang tauhan ng AKG na patuloy pang nagpapagaling sa ospital.
Ayon kay Cansilao, humingi umano ng P50 milyon ang mga suspek kapalit ng kalayaan ng biktimang 78-anyos na negosyante at naturalized Filipino citizen.
Nauna nang nakapagbayad ang pamilya ng biktima ng inisyal na P10 milyon at pagkatapos nito ay ikinasa ang rescue operation.
Sa paghabol sa mga suspek, nagkaroon ng palitan ng putok sa bahagi ng Macapagal Blvd. sa Parañaque City.
Pinuri naman ni PNP chief, PGen. Melencio Nartatez Jr. ang AKG dahil matagumpay na nasagip ang biktima.
Nagpapatuloy ang hot pursuit operation para matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng iba pang mga kasabwat ng mga suspek.
(TOTO NABAJA)
99 