HINILING ni Senador JV Ejercito sa Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na imbestigahan ang sinasabing over-importation ng asukal at ang epekto nito sa lokal na industriya.
Sa kanyang Senate Resolution 369, nagbabala si Ejercito na ang labis na importasyon o ang maling timing ng pag-aangkat ay magdudulot ng pagbagsak ng farmgate price kaya’t mababawasan ang kita ng mga magsasaka at mill workers.
Panahon na anyang busisiin ang polisiya sa sugar importation partikular sa timing at volume ng pag-aangkat upang matiyak na tumutugon sa kasalukuyang problema sa long-term sustainability ng sugar industry.
Batay sa datos, noong Marso, umabot sa 668,405 metric tons ang suplay ng asukal na mataas kumpara sa 568,871 metric tons sa kaparehong panahon noong isang taon.
Nakasaad sa resolusyon na para sa Crop Year 2025–2026, umabot na sa P12.8 billion ang tinatayang nawawalang kita sa sugar at molasses industry.
(DANG SAMSON-GARCIA)
84 