LALO umanong pinabilis ng mag-asawang Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya ang “guilty verdict” sa kanila ng publiko matapos nilang tumangging makipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay Akbayan party-list Rep. Perce Cendaña, ang desisyong ito ng mga Discaya ay malinaw na indikasyon ng pag-amin.
“Non-cooperation is admission. Mas pinapabilis lang ng mga Discaya ang hatol sa kanila ng taumbayan — guilty!” ani Cendaña.
Kinumpirma ni ICI spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka nitong Miyerkoles na hindi na makikipag-cooperate ang mag-asawang kontraktor sa imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
“Basically, they explained that they thought they would be getting a favorable recommendation as state witnesses when they cooperated,” ayon kay Hosaka.
Isa umano sa mga dahilan ng pag-atras ng mga Discaya ay ang naging pahayag ni ICI Commissioner Rogelio “Babes” Singson sa panayam ni Karen Davila, kung saan sinabi nitong wala siyang nakikitang posibleng maging state witness sa kaso.
Ngunit para kay Cendaña, mahirap umanong paniwalaan na iyon lang ang dahilan ng mag-asawa.
“Noon, walang takot silang nagtuturo ng mga kasabwat nila sa Senado at Kongreso. Ngayon, biglang tikom ang bibig? Anong pinagkaiba ng ICI?” tanong ng mambabatas.
Giit ni Cendaña, malabo talaga na mabigyan ng state witness status ang mga Discaya kung patuloy nilang itatago ang mga pangalan ng mga kasabwat sa Kongreso.
Samantala, tiniyak naman ni Hosaka na patuloy ang imbestigasyon ng ICI sa mga anomalya sa flood control projects kahit pa umatras ang mga Discaya sa pakikipagtulungan.
(BERNARD TAGUINOD/CHAI JULIAN)
