L-R: Mr. Ruben Licera, Sugbo News and Cebu People’s Action Center Head; Atty. Resti Arnaiz, Cebu Emergency Operations Center Manager; Jaycen Franco, FPJ Youth National President; at Mr. Rodrigo Tanza Jr., Cebu Emergency Operations Center Co-Manager
MANILA – Nag-abot ng tulong ang FPJ Youth nitong Martes, Oktubre 14, sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu para sa mga naapektuhan ng malakas na lindol at libo-libong aftershocks sa lalawigan.
Sa pangunguna ng FPJ Panday Bayanihan Party-List, nagdala ang grupo ng mga kabataan ng 5,000 kilo ng bigas, mga tolda, at isang generator — mga kagamitang kailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Personal na tinanggap nina Cebu Provincial Administrator Atty. Ace Durano at Emergency Operations Center Manager Atty. Resti Arnaiz ang mga donasyon upang agad itong maipamahagi sa mga residente.
Ipinagkaloob naman ang limang tolda at isang generator sa Parish Office ng Archdiocesan Shrine of Our Lady of Guadalupe, na gagamitin sa Community Kitchen ng Sto. Niño Quasi Parish sa Nailon, Bogo City.
Ayon kay FPJ Panday Bayanihan Party-List Rep. Brian Poe, mahalagang magtulungan upang matulungan ang mga taga-Cebu na patuloy na nakararanas ng pagyanig.
“Sa lahat ng patuloy na nagbibigay ng donasyon sa Cebu, maraming salamat po! Mahalaga na nadaragdagan ang tulong — tuloy lang po ang bayanihan para sa ating mga kababayang Cebuano,” ani Poe.
Matatandaang niyanig ng 6.9 magnitude na lindol ang Bogo City noong Setyembre 30, na sinundan pa ng mahigit 12,000 aftershocks, kabilang na ang isang 5.8 magnitude na lindol kamakailan.
