TULOY ang pag-usad ng kaso kaugnay ng mga nawawalang sabungero, kahit walang tumugma sa DNA samples ng mga pamilya sa 981 labi na narekober sa Taal Lake, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sa isang ambush interview, tiniyak ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na hindi nakasalalay sa DNA results ang pagpapatuloy ng kaso, lalo na kung sapat na ang ibang ebidensyang hawak ng mga imbestigador.
“It may add to what evidence we have now. If the panel of prosecutors finds sufficient evidence to proceed to trial given what we have on hand, there will be no need to look into or wait for the result of the DNA examination,” paliwanag ni Martinez.
Ayon sa opisyal, patuloy pa rin ang technical diving operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Taal Lake at wala pang utos na ihinto ito.
Batay sa datos ng DOJ mula Hulyo 10 hanggang Oktubre 12, 2025, umabot na sa 981 labi ang narekober, kung saan 887 sa mga ito ay nakumpirmang buto ng tao.
Patuloy namang isinasailalim sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga narekober na labi upang matukoy kung may kaugnayan ito sa kaso ng missing sabungeros na unang naitala noong 2022.
Samantala, submitted for resolution na ang kaso na tumakbo halos ng mahigit isang buwan.
Dito malalaman kung isasampa o ibabasura ang mga reklamong murder, serious illegal detention at iba pa laban sa mga respondent na sina gaming tycoon Charlie “Atong” Ang, veteran actress Gretchen Barretto, tatlong anak at manugang ni Atong at iba pa.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, kabilang sa DOJ panel, submitted for resolution na ang kaso at sisilipin kung may bigat ang mga ebidensya laban sa mga suspek.
Nangako si Guhit sa publiko na magiging patas ang panel of prosecutor sa mga kaso at titimbangin nang maigi kung dapat bang ibasura o iakyat sa korte ang reklamo.
“Of course lagi naman patas ang DOJ when it comes to investigation i never heard any issue with the resolution of the doj not fair, parties not only for the complainants but for the respondents.
Sa 62 respondents, 57 ang nakapaghain ng counter-affidavit, kabilang ang itinuturong mastermind sa kaso na si Atong Ang, ang kanyang mga kaanak at ang celebrity na si G Barretto.
Nagsumite naman ng mga sinumpaang salaysay ang Patidongan brothers.
Sa ngayon wala pang itinakdang araw kung kailan ilalabas ang resolusyon dahil sa dami ng mga dokumento at ebidensyang iniharap sa panel of prosecutors, sisikapin ng mga piskal na agad maresolba ang kaso.
(JULIET PACOT)
49
