MASAYA ANG SMART AT GLOBE, PERO TAYO AY HINDI

USAPANG KABUHAYAN

Noong bata ako ay may telepono kami sa bahay ng lola ko pero mayroon kaming ka-crossline, o kahati sa linya. Hindi ka pwedeng magtelebabad dahil sasabihin sa iyo ng ka-crossline mo na pagamit naman sila ng telepono. Kung hindi ka titigil sa telepono ay maririnig mong taas sila nang taas ng handset, o hindi kaya naman ay makikinig o makikisabat pa sila sa usapan ng kausap mo.

Ibang-iba na simula nang buksan ni dating Pangulong Fidel Ramos ang industriya ng telekomunikasyon sa kompetis­yon. Naglabasan ang lahat ng mga bagong kompanya simula 1996 na ngayon ay naiwan na lang sa dalawang telcos.

Umabot ang tubo ng Smart Philippines, Inc. noong 2018 sa P19.2 bilyon samantalang umabot naman sa P18 bilyon ang kita ng Globe Philippines. Sila ang tanging telecommunications company na nagsisilbi sa mga pangangailangan na­ting mga Filipino sa komunikasyon gaya ng telepono, mobile phone, at internet service.

Napakalaki ng tubong umaabot ng halos P20 bilyon. Kung ikaw ang may-ari ng mahigit kalahati ng stocks ng Smart o Globe, umabot halos ng P10 bilyon ang iyong kinita noong 2018. Hindi pa kasama rito ang kinita ng Philippine Long Distance Telephone Co. na pag-aari rin ng Smart na umakyat ng 41 porsyento at umabot din sa halos P20 bilyon.

Pero kahit may kompetisyon na, bigla namang sumama ang serbisyo ng industriya lalo na sa larangan ng internet. Ayon sa isang pag-aaral ng Open Signal na isang mobile analytics company, ang Pilipinas ang pang-18 pinakamabagal na download service sa internet sa 87 bansa na ni-review nito ang serbisyo ng internet. Pang-16 naman sa naturang 87 bansa ang Pilipinas sa pinakamabagal na upload service.

Ang download speed na seven Mbps ng Pilipinas ay mas mabilis lang ng kaunti sa 6.9 Mbps ng Indonesia na may 143 milyon na internet users sa 270 milyon na populasyon nito, at sa India na ang download speed ay 6.8 Mbps para sa 560 milyon na internet users nito sa 1.3 bilyon na populasyon nito.

Pinakamabilis sa buong mundo ang download speed sa South Korea na umaabot ng 50 Mbps at sa Norway na pumangalawa sa download speed na 48.2 Mbps. Magtitiis ka nga lang sa sobrang lamig sa dalawang bansa na iyon.

Ang ibig sabihin nito ay hindi naglalagay ng mga bagong broadband cables ang Globe at Smart na magpapaganda ng serbisyo nito, lalo na sa mga liblib na lugar dahil panay galing sa mga cellsite nito ang serbisyo ng internet.

Ang Globe at Smart ay hindi nagbibigay sa atin ng magandang serbisyo. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

171

Related posts

Leave a Comment