ISINUSULONG ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang isang panukalang batas na layong palawakin ang kapangyarihan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang maging mas epektibo sa pagbusisi at pagsugpo sa korapsyon sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno.
Sa ilalim ng House Bill No. 5699, itinataguyod ni Tiangco ang paglikha ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) — isang mas malakas na bersyon ng ICI na maaaring magsagawa ng imbestigasyon, pagdinig, at pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal na sangkot sa katiwalian.
“Humihingi ang taumbayan ng mekanismong magtitiyak ng transparency at pananagutan sa mga infrastructure projects ng gobyerno. Naiinip na ang publiko — gusto na nilang makakita ng aksyon, hindi puro imbestigasyon lang,” pahayag ni Tiangco.
Sa panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang ICAIC na mag-isyu ng subpoena, hold departure orders, preventive suspension, at magsampa ng kaso sa korte. Maaari rin itong humiling ng sequestration o pagbawi ng mga ari-ariang nakuha sa pamamagitan ng katiwalian.
“Sa mga nakaraang hearing, nakita natin ang limitasyon ng ICI. Wala silang contempt power kapag hindi sumipot ang mga inisyuhan nila ng subpoena. Kailangan nating lagyan ng ngipin ang batas,” giit ni Tiangco.
Nilinaw din ng mambabatas na hindi papalitan ng ICAIC ang Ombudsman o Department of Justice, kundi makikipagtulungan upang mapabilis ang pagbuo ng mga kaso at matiyak na may mananagot.
“Kapag nakita ng publiko na napapanagot ang mga opisyal, maibabalik ang tiwala sa gobyerno. At ‘yun ang tunay na hustisya para sa mga Pilipino,” dagdag ni Tiangco.
28
