IKINATUWA ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang hakbang ng Korte Suprema na magtalaga ng special courts na tututok sa mga kasong may kinalaman sa anomalya sa mga infrastructure projects ng pamahalaan.
“Dapat itong bigyang pinakamataas na prayoridad, dahil buong sambayanan ang ninanakawan, niloloko, at pinapahirapan,” pahayag ni Diokno.
Ginawa ng kongresista ang pahayag matapos atasan ng Supreme Court ang Office of the Court Administrator (OCA) na mahigpit na bantayan ang lahat ng kasong isasampa sa mga Regional Trial Courts (RTC) kaugnay ng mga iregularidad sa imprastraktura.
Sa sandaling maisampa ang mga kaso, magtatalaga ang Korte Suprema ng special court na siyang tututok sa pagdinig upang mapabilis ang proseso ng paglilitis at agad na maihatid ang hustisya.
Ayon kay Diokno, ito ay positibong hakbang tungo sa mabilis na pananagutan ng mga tiwaling opisyal at mga kasabwat nilang kontratista sa pagnanakaw ng pondo ng bayan.
Matatandaan na sa deliberasyon ng 2026 national budget, iminungkahi ni Diokno sa hudikatura, partikular sa Sandiganbayan, na bilisan ang paglilitis ng mga kasong korapsyon. Tugon naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, sponsor ng budget ng hudikatura, na plano ng Sandiganbayan na tapusin ang bawat kaso sa loob ng 120 araw.
“We thank the Supreme Court for heeding our call to expedite and prioritize corruption cases, and we urge the judiciary to impose strict time limits on the trials and appeals,” ani Diokno.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi dapat maulit ang nangyari sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, na hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyang nareresolba, mahigit isang dekada matapos ito isampa noong panahon pa ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
(BERNARD TAGUINOD)
14
