“THRILLA IN MANILA 2”: PAGPUPUGAY SA GINTONG PANAHON NG BOXING

PINATUNAYAN Pinatunayan ni Melvin Jerusalem ang kanyang pagiging hari ng strawweight matapos talunin si Siyakholwa Kuse sa pamamagitan ng 12-round unanimous decision sa main event ng Thrilla in Manila II, bilang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier sa Araneta Coliseum. Kuha ni DANNY BACOLOD

NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga boxing fans sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng “Thrilla in Manila” na ginanap Miyerkules ng gabi, Oktubre 29, sa Smart Araneta Coliseum — ang mismong lugar kung saan naganap ang makasaysayang laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier noong 1975.

Ang event na pinamagatang “Thrilla in Manila 2” ay nagsilbing paggunita sa laban na nagpasiklab sa gintong panahon ng boxing sa Pilipinas, at pagpupugay sa pamana ng dalawang boksingerong nag-ukit ng kasaysayan.

Dumating ang Pangulo kasama ang Unang Ginang Louise Araneta-Marcos, at sinalubong ng boxing legend at dating Sen. Manny Pacquiao, founder at CEO ng MP Promotions, na siyang nanguna sa nasabing commemorative event.

Dumalo rin sina Araneta City owner at dating Sen. Mar Roxas II at Araneta Group of Companies chairperson Jorge Araneta.

Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), sinaksihan ng Pangulo ang laban ng apo ni Muhammad Ali na si Nico Ali Walsh laban sa Thai boxer Kittisak Klinsom, na nagtapos sa draw.

Tampok din sa “Thrilla in Manila 2” ang mga top Filipino boxers na nakipagsagupaan sa mga banyagang katunggali, kabilang sina World Boxing Council (WBC) Strawweight Champion Melvin Jerusalem, Eumir Marcial sa WBC International Middleweight championship, at sina Carl Jammes Martin at Marlon Tapales sa junior featherweight bouts.

Bukod sa paggunita sa iconic 1975 Ali-Frazier bout, layon din ng naturang selebrasyon na ipakita ang mayamang kasaysayan ng sports sa bansa at itaguyod ang talento ng mga Pilipino sa pandaigdigang boxing arena.

(CHRISTIAN DALE)

23

Related posts

Leave a Comment