SCREENING SA MGA SOCIAL MEDIA POST, DAPAT HIGPITAN!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HANGGANG sa ngayon ay suspendido pa rin ang official page na Rapido Ni Patrick Tulfo, at sa ngayon ay pansamantala kaming nagbibigay ng update sa Rapido Official Facebook page.

Nakapagtataka lang na mahigpit ang Meta (Facebook manager) sa mga katulad kong page gayung napakaraming nagkalat na account na basura ang content. Mga bastos at paninira lang ang content.

Dapat ay mabilis ang aksyon ng Meta sa mga page na wala namang pinost na hindi maganda, nagkataon lang na parehong verified ang aking personal account at ang Rapido Ni Patrick Tulfo account.

Nakaaalarma ang kaliwa’t kanang fake news sa social media pero patuloy na namamayagpag.

Ang social media ngayon, partikular na itong Facebook, ay hindi na katulad ng dati na ang pangunahing silbi ay ikonekta ang mga magkakakilala o magkakaibigan.

Ngayon, ito na ang numero unong pinagmumulan ng iba’t ibang kasamaan, tulad ng bullying o pag-atake nang personal sa kapwa, gayundin ang pagpapakita ng imoral.

Totoo ang kasabihan na nag-e-evolve ang lahat ng bagay, pero dapat ito ay para sa ikabubuti hindi sa ikasasama.

Napakarami nang kaso ng depression sa mga kabataan ngayon, marahil sa maling paggamit nila ng social media. Hindi na ito nareregula, hindi na ito maganda sa kalusugan.

Kaya’t mas mainam na itong si Meta na ang maghigpit sa mga content na ipalalabas sa Facebook. Kailangang linisin ng Meta ang kanilang platform upang makatulong at hindi makasama sa users nito.

73

Related posts

Leave a Comment