TULDUKAN NA ANG TRAVEL TAX – SEN. ERWIN TULFO

TARGET ni KA REX CAYANONG

TAMA lamang ang panawagan ni Senador Erwin Tulfo na panahon na upang buwagin ang travel tax.

Aba’y sa loob nga naman ng maraming taon, naging pabigat ito sa mga Pilipinong nagnanais makapaglakbay, hindi para sa luho, kundi para sa trabaho, pag-aaral, o pagpapalawak ng kanilang pananaw sa mundo.

Ayon kay Tulfo, kung tunay nating hangad na umunlad ang turismo at ang ekonomiya, bakit natin pinipigilan ang mismong mamamayang nais lumabas ng bansa at maging bahagi ng global na paglalakbay?

Ang Pilipinas ay lumagda sa ASEAN Tourism Agreement noong 2002.

Ngunit hanggang ngayon, nananatili ang singil na ito.

Sa puntong ito, tila tayo na lamang ang patuloy na nagpapataw ng dagdag na gastos na hindi naman direktang ramdam ng mga Pilipino ang benepisyo.

Totoo, napupunta sa turismo, edukasyon, at kultura ang koleksiyon mula sa travel tax.

Sa kabilang banda, dapat nating pag-isipan, wala bang mas makatarungang paraan ng pagpopondo sa mga programang ito nang hindi isinasakripisyo ang karapatan ng mga ordinaryong mamamayan na makapaglakbay?

Sa gitna ng tumataas na presyo ng pamasahe, hotel, at iba pang gastusin sa biyahe, ang travel tax na umaabot mula P1,620 hanggang P2,700 sa regular na pasahero ay malaking dagok pa rin.

Para sa maraming Pilipino, bawat piso ay may katumbas na pagpipilit at paghihirap.

Kung ang iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya ay nagpapagaan ng daan para sa paglalakbay, bakit tayo may dagdag pang balakid?

Hindi ba’t mas maraming Pilipino ang makapamamasyal, makapag-aaral, at makapag-aambag sa pag-unlad ng turismo kung mas magiging abot-kaya ang pagbiyahe?

Ang panukala ni Senador Tulfo ay nagsusulong ng patas at makatuwirang pagbabago. Ito ay hakbang tungo sa mas bukas na mundo para sa mga Pilipino, isang mundong hindi nila kailangang bayaran nang sobra-sobra.

Panahon na upang alisin ang travel tax.

Bigyan natin ng pagkakataon ang bawat Pilipino na makaranas ng mas malayang paglalakbay na isang pribilehiyong hindi dapat ipinagkakait sa kanila.

38

Related posts

Leave a Comment