PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
NOONG panahon ng dating Pangulong Noynoy Aquino nauso ang pagpangalan sa karagatang sakop natin na West Philippine Sea (WPS) in 2012.
South China Sea (SCS) ang tawag dati sa WPS, pero ‘di nangangahulugan na pag-aari ng China ang WPS.
Kaya, itigil na ‘yang ingay na sa China ang WPS o SCS, kasi sa atin nga ito at nasasakop pa ng ating exclusive economic zone (EEZ), ayon sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noog 2016.
Itong ating EEZ ay tinatanggap ng international community, at nakabatay sa international law.
Pero wala talagang respeto ang China, bastos, walang modo at walang galang sa batas.
Kahit na sinasabi ng The Hague Court na atin ang WPS, panay ang pag-angkin ng China, at lagi tayong binabardagol, kung sa tao, nambabraso, nandadarag sa isang maliit na tao.
May aral sa Bibliya na ang mala-higanteng si Goliath ay tinalo ng batang si David, kaya sumampalataya lamang tayo sa katotohanang atin ang WPS, kahit mabigat ang laban, maipapanalo natin ito, hindi sa giyera kundi sa isip at simpatya ng buong mundo.
***
Isa pang matinding dahilan kaya takam na takam ang China dahil sa karagatan natin, super dami ang kayamanang mineral at deposito ng langis at natural gas sa WPS.
Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, bilyon-bilyong bariles ng langis at 5.4 trilyong kubiko metrong natural gas ang nasa ating WPS.
Kaya gusto ng Beijing ay gahasain, i-rape ang magandang binibining Perlas ng Silangan.
‘Yan ang tunay na intensiyon ng China, ang pagsamantalahan ang ating karagatan dahil nga super dami ang kayamanang mineral at deposito ng langis at natural gas sa WPS.
Ang reyalidad, sa kabila ng matayog na pag-angat ng ekonomiya at lakas-militar ng China, kapos ito na mapakain ang mahigit sa 2 bilyong populasyon nito sa Mainland China at hihigit pa rito kung isasama ang HK at Taiwan.
Kailangan nitong mag-import ng pagkain at iba pang kailangan sa Mainland, kaya ang karagatang atin at inaangkin at kinakanyon ng tubig, binabangga at hina-harass ng China ang ating mangingisdang Pinoy.
Kung sa batang Pinoy na payat, ang isusubong isda at kanin ay pwersahang inaagaw sa bibig ng mala-bulldog na laki na batang Chinese.
Ganyan ang larawan at karikaturang makikita kung ipipinta sa canvas ang pangdadarag ng gahamang China!
Gusto ng China na palawakin ang kanilang fishing operation mula sa Pilipinas, tagos sa Taiwan at Vietnam kasi, mahigit sa 15 milyong tonelada ng isda ang kailangang anihin sa SCS upang mapakain ang mahigit sa 2 bilyong tao nito sa Mainland.
Hindi lang pagkaing mula sa karagatan ang nais ng China, nais nito na maging super naval power sa mundo — na imposibleng mangyari.
Hindi papayag ang Indonesia, Vietnam, Taiwan at Japan na kalapit sa South East Asia.
Lalo na ang US na ang paninindigan, kailangang bukas ang SCS sa international navigation o malayang paglalayag para sa pagpasok at paglabas ng mga barkong komersyal.
Hindi papayag ang US, Japan, Indonesia, Taiwan at Vietnam na kontrolin ang dagat Pasipiko ng Beijing.
‘Di iginagalang ng bastos na China ang prinsipyo ng freedom of navigation sa lahat ng bansa sa mundo.
Hindi tayo papayag, dahil atin, hindi sa China ang West Philippine Sea!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
37
