MABIGAT NA PASOK NG NOBYEMBRE AT KWENTONG BUWAYA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TAPOS na ang Oktubre — buwan ng lindol, baha, at eskandalo. Ilang ulit tayong niyugyog ng kalikasan, pero mas malakas pa rin ang pagyanig ng mga katiwalian sa flood control projects na hanggang ngayon ay bumabayo sa tiwala ng taumbayan.

Nobyembre na. Lapit na ng Pasko, pero parang ang himig ng buwan ay hindi “Jingle Bells” kundi “Dagdag Presyo Na Naman.” Kahit hindi pa dumarating ang kasiyahan ng Kapaskuhan, marami na ang humihinga nang malalim sa bigat ng gastusin at pagod sa araw-araw.

Tapos na ang Undas, tapos na rin ang maigsing bakasyon pero may bagyo pa rin. Eto nga at idineklara na ang national emergency sa tindi ng pinsalang dulot ng Bagyong Tino.

Ang tanong: ano nga ba ang dala ng Nobyembre? Aba, tila panggulat ang pasalubong. Ano pa nga ba kundi malakihang taas-presyo sa produktong petrolyo!

Sabi ng mga eksperto, sisihin daw ang kalakalan sa pagitan ng US at China. Tumaas ang demand sa langis, kasabay pa ng sanction sa ilang Russian oil firms. Resulta: panibagong umento.

At hindi pa riyan natatapos ang “Nobyembre Special.” May dagdag-singil din sa kuryente.

“Que barbaridad!” ika nga. Sakal na sakal na mga tao pero tiyak may magpapaalala ng ating “resilience.” Sanay na raw kasi tayo.

‘Di bale, lapit na Disyembre. Magaan na buhay.

Sino kaya ‘yon? Alam n’yo na siguro.

o0o

Teka, usapang buwaya tayo. Hindi tungkol sa mga buwayang nasa opisina o kalsada ha. Literal na buwaya ito, ‘yung nasa mga zoo.

Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), panahon na raw para i-phase out ang mga zoo sa bansa. Huwag na raw magdagdag pa, at hayaang “magretiro” ang mga kasalukuyang hayop hanggang sa maubos. Kapalit daw nito, mas makabubuti kung magtanim na lang ng mga puno at magtayo ng mga parke.

May punto naman. Kung kulang sa pondo at hindi naalagaan nang maayos ang mga hayop, baka nga mas mabuting itigil na. Pero kung maayos ang pag-aalaga, may saysay pa rin ang mga zoo.

Educational ‘yan, lalo para sa mga batang minsan lang makakita ng tunay na leon, tigre, o buwaya.

Ang totoo, hindi naman ang zoo ang problema, kundi ‘yung mga nagpapatakbo. Kung may malasakit, pwedeng manatili ang mga zoo bilang sentro ng kaalaman at pangangalaga sa wildlife. Pero kung napababayaan, panahon nang palayain ang mga hayop.

Ang tanong ngayon: kung ‘yung mga zoo na may lehitimong buwaya ay ipi-phase out na, kailan kaya susunod ‘yung mga “zoo” na pugad ng kabulastugan?

Mas matindi yata ang sirkus sa labas.

73

Related posts

Leave a Comment