OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG panawagan ng tulong ang ipinaaabot ng pamilya ni Delia Siacor, isang overseas Filipino worker (OFW) na kasalukuyang nagtatrabaho bilang domestic helper sa bansang Bahrain, makaraang lumala ang kanyang almoranas (hemorrhoids) na nagdudulot ng labis na kirot at hirap sa paggalaw.
Ayon sa impormasyon na ibinahagi ng kanyang hipag na si Evangeline Secang Siacor ng Sitio Elnama, Barangay Polonuling, Tupi, South Cotabato, si Delia ay nahihirapang umupo, maglakad, at dumumi, at sa ngayon ay dumudugo tuwing dumudumi dahil sa lumalalang kondisyon.
Nais na umano nitong umuwi sa Pilipinas upang magpagamot ngunit tinututulan ng kanyang amo na si Hassan Zulaikh sa Bahrain, sa kabila ng matinding sakit na kanyang dinaranas.
Si Delia ay umalis patungong Bahrain sa pamamagitan ng Ferrand Human Resources International, na may tanggapan sa Pacific Place Building, 539 Arquiza Street, Ermita, Manila, at ang kanyang foreign agency ay ang Aseel Manpower Agency na matatagpuan sa Al Samanya, Kingdom of Bahrain.
Dumating si Delia sa Bahrain noong Oktubre 21, 2024 upang makapagtrabaho at makatulong sa kanyang pamilya sa Tupi, South Cotabato. Ngunit ngayon, dahil sa kanyang kalagayan, ang tanging hangarin ng kanyang pamilya ay ang kanyang agarang pag-uwi bago tuluyang lumala ang kanyang sakit.
Ang pamilya ni Delia, sa pangunguna ng kanyang hipag na si Evangeline Secang Siacor at si Ailed Rocais, ay humihingi ng tulong sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang agarang aksyunan ang kaso ni Delia at matulungan siyang makabalik sa Pilipinas para sa gamutan.
Ang kasong ito ay isa na namang paalala ng mga pagsubok na kinahaharap ng ating mga kababayang OFW sa ibayong dagat, at ng pangangailangang tiyakin na ang karapatang pantao at pangkalusugan ng bawat manggagawang Pilipino ay naipagtatanggol saan mang panig ng mundo.
Sa pananaw naman ng OFW Juan, palaisipan ang pagpasa ni Delia sa medical examination na mahigpit na ipinatutupad ng mga klinika at kabilang ang pag-eksamin sa almoranas. Kung sadyang ginampanan nito nang tama ang kanilang medical examination, ay hindi dapat pinalusot at binigyan ng ‘fit to work’ si OFW Delia.
Sakaling mapatunayan ng ahensya na hindi tama ang examination at pagbigay ng ‘fit to work’ ay mayroon pananagutan ang medical clinic sa isyung ito.
129
