UPDATE SA MAKATI EXPRESS, TAG, ACCE AT CARGOPLUS

RAPIDO ni PATRICK TULFO

PATULOY po ang dagsa ng mga mensaheng aming natatanggap mula sa mga kababayan natin na nabiktima ng Makati Express Cargo, at sa pinakahuling panayam natin kay Asst. Comm. at tagapagsalita ng Bureau of Customs, sinabi nito na target nilang mailabas ang unang batch ng mga container ng Makati Express Cargo ngayong Disyembre.

Muli rin namin itinanong kay Atty. Maronilla, ang suspensyon ng akreditasyon ng naturang cargo company, at kinumpirma nito na suspendido ang Makati Express Cargo ng animnapung araw (60) dahil sa pag-abandona ng 90 containers sa Manila International Container Port (MICP).

Ukol naman sa tanong kung bakit hindi na lang tuluyang alisan ng akreditasyon ang Makati Express Cargo, ayon kay Atty. Maronilla, doon na rin papunta ‘yun kung hindi makapagbibigay ng magandang paliwanag at solusyon ang pamunuan ng Makati Express.

Bukod sa reklamo sa Bureau of Customs, lumapit din sa Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang nagpadala sa naturang cargo company. Pero negatibo ang reaksyon na aming natanggap mula sa mga ito at sinabing nababagalan sila sa aksyon ng ahensya.

Hindi masisisi ang ating mga kababayan kung sila ay nababagalan sa pagkilos ng gobyerno sa kanilang mga hinaing. Dahil ayon sa mga mensahe na aming natatanggap ay sira na ang mga tsokolate at iba pang pagkain na nakapaloob sa kanilang mga padala.

Bukod sa Makati Express Cargo, nakatengga pa rin sa MICP ang mga container ng Tag Cargo, TPE, ACCE at nasa Port of Subic naman at Batangas ang mga container ng Cargoplus.

Target ng Customs na masimulan ang paglalabas ng mga container bago matapos ang buwan na ito.

129

Related posts

Leave a Comment