AMA SALAMAT NA PINAHINA MO ANG BAGYONG UWAN

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

PINASASALAMATAN natin ang Amang nasa langit na bagama’t napakalawak at napakalakas ng Bagyong Uwan ay walang masyadong nagbuwis ng buhay sa ating mga kababayan sa iba’t ibang lugar na sinalanta nito.

Sana ay hindi na madagdagan pa ang naiulat ng Office of Civil Defense (OCD) na dalawa katao lang ang nagbuwis ng buhay sa pananalasa ng Bagyong Uwan sa nakalipas na mga oras.

Kung pagbabasehan natin ang reports ng weather agencies ng bansa, ang lawak ng sakop ng Bagyong Uwan ay mula Surigao sa Mindanao, Samar Islands, Leyte, Cebu, Bicol Regions, Laguna, Quezon, Aurora, Baler; hanggang Isabela at umabot pa ng wind signal number 5 at tinaguriang Super Typhoon, ay naiwasan natin na marami ang magbuwis ng buhay sa ating mga kababayan.

Marahil pinakinggan ng ating Amang nasa langit ang ating mga dasal sa kanya na sana ay humina ang Bagyong Uwan.

Masyado nang bugbog sa kahirapan ang mga Pilipino sa korupsyon kaya naawa ang ating Amang nasa langit kaya niya pinahina ang malakas na bagyo.

Bukas, Martes, Nobyembre 11, 2025, inaasahan na patawid na ng West Philippine Sea ang Bagyong Uwan at tuluyan nang iiwan nito ang Pilipinas.

Ngayon, harapin natin ang problemang iniwan ng Bagyong Uwan at ng Bagyong Tino. Magsama-sama tayong magtulungan at kung ano ang maaaring iambag natin ay ibigay natin sa mga naapektuhan.

Maaaring sa loob ng linggong ito pa natin malalaman kung gaano karaming pinsala ang iniwan ni Bagyong Uwan sa mga pananim, alagang hayop, kabahayan at imprastruktura sa iba’t ibang lugar sa bansa na tinamaan nito.

Kailangan natin maging positibo para makabangon tayo agad, isantabi muna natin ang kulay-pulitika, magsama-sama tayo sa iisang layunin, tulungan natin ang ating kapwa na nangangailangan ng tulong.

Iwasan nating mag-isip ng masama sa ating kapwa, iisa lang ang lahi natin at iisa rin ang ating bansa, walang ibang makauunawa sa atin at kakalinga kundi tayo ring mga Pilipino.

Maraming salamat kung tutulungan tayo ng ibang bansa, basta mauna tayong mga Pilipino na tumulong sa ating kapwa na sinalanta ng Bagyong Tino at Bagyong Uwan.

Kailangan din maging tapat ang mga pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan, alisin din nila sa kanilang mga isipan ang kulay-pulitika, maging pro-admin man o anti ay bigyan nila ng pagkalinga at ayuda ang mga sinalanta.

Kung may darating mang ayuda o tulong mula sa international community ay hindi sana maulit ang nangyari sa Bagyong Yolanda na kung saan ay nagkaroon ng kontrobersiya na sinabing may mga nanamantala.

May mga report kasi na marami ang nabulok na ayuda at umabot ng konti-container ng pagkain ang hindi napakinabangan, imbes na nakain sana ng mga nangangailangan ay napilitan na lang inilibing ang mga ito dahil sa pagkabulok. Sayang naman!

‘Wag tayo maging madamot sa mga nangangailangan nating mga kababayan, lalo na kapag ganitong panahon ng mga kalamidad.

Doon naman sa nakararanas pa ng mga pag-ulan na dala ng buntot ng Bagyong Uwan, ay mag-ingat po tayo, lalo na ‘yung mga parte ng mga bulubunduking lugar dahil sa mga posibleng landslide o pagguho ng lupa.

Malalambot ang lupa sa mga bundok dahil sa tagal na pag-ulan, epekto ng pagtama ng dalawang bagyo. Hindi pa rin tayo nakasisiguro na ligtas na dahil palabas na si Bagyong Uwan sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

68

Related posts

Leave a Comment