GUILTY sa kasong qualified trafficking ang tinanggal sa puwesto na dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, batay sa inilabas na desisyon ng Pasig City Regional Trial Court noong Nobyembre 20, 2025.
Bukod kay Guo, hinatulan din sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, at Walter Wong Rong ng habambuhay na pagkabilanggo at multang ₱2 milyon.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagbunyag ng ilegal na operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, kung saan natuklasan ng mga awtoridad na pinatatakbo ito ng Zun Yuan Technology.
Nagsilbing complainant sa kaso ang Philippine National Police (PNP) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na nagsagawa ng operasyon noong nakaraang taon. Lumitaw sa imbestigasyon na ang pasilidad ay nasa lupang pag-aari ng Baofu Land Development, Inc., na kontrolado ni Guo, at inuupahan ng Zun Yuan.
Si Guo at 15 iba pang akusado ay hindi pisikal na dumalo sa promulgasyon nitong Huwebes ng umaga kundi sa pamamagitan ng video conference.
Noong Mayo, ibinasura ng korte ang motions for leave to file a demurrer to evidence ng mga akusado. Matatandaan din na noong Agosto 13, 2024, tinanggal si Guo sa puwesto ng Office of the Ombudsman dahil sa grave misconduct, matapos siyang maiugnay sa isang online gambling hub sa Bamban na umano’y pinatatakbo ng Chinese nationals. Daan-daang manggagawa ang sinasabing pinilit mang-iscam at tinortyur kapag tumanggi.
Noong Hunyo, tinanggal din si Guo sa puwesto ng Manila Regional Trial Court Branch 34 matapos pagbigyan ang quo warranto petition ng Office of the Solicitor General. Sa nasabing desisyon, pinawalang-bisa ang buong termino ni Guo bilang alkalde at idineklarang iisa ang pagkatao ng Chinese citizen na si Guo Hua Ping at ng Alice Leal Guo na nanalong alkalde.
Noong Setyembre 16, 2024, sinampahan si Guo ng Department of Justice (DOJ) ng kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, na nagpaparusa sa sinomang “nag-organisa, naglaan ng suportang pinansyal, o nag-utos sa iba na gumawa ng mga akto ng trafficking.”
Kinasuhan din sa parehong kaso si dating Technology and Livelihood Resource Center deputy director general at Zun Yuan Technology representative Dennis Cunanan, kasama ang iba pang executives at founders ng tatlong POGO companies.
Ikinatuwa ng DOJ
Sulit ang pinaghirapan ng Department of Justice (DOJ) matapos maipanalo ang kaso laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay ng kontrobersyal na POGO hub noong March 2024.
Ikinatuwa ng kagawaran ang hatol ng Pasig RTC na guilty si Guo sa kasong qualified human trafficking na konektado sa ilegal na operasyon ng POGO.
Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Ty, sulit ang lahat ng pagsusumikap mula nang i-raid ang Bamban POGO noong 2024. “Masaya kami sa conviction dahil ito ang bunga ng lahat ng trabaho namin,” ani Ty.
Dagdag pa niya, bukod sa conviction, nakamit din ang forfeiture ng Bamban property. Sinabi rin ni Ty na ang human trafficking case ang “pinakamabigat” sa mga kaso ni Guo, na may kasamang falsification of public documents at money laundering. Pinatawan si Guo at ang kanyang mga kasama ng panghabambuhay na pagkakakulong o reclusion perpetua.
(NEP CASTILLO/JULIET PACOT)
92
