PUNTO DE BISTA ni BAMBI PIRISIMA
PAALALA mga masugid kong tagasubaybay, lahat ng ayuda na ipinamimigay sa atin ng mga politiko, tanggapin at hingin, dagdagan pa.
Take note, pera natin ang ibinibigay nila, hindi nila pera iyon, mga kababayan.
Dahil sa ating VAT, bayad sa income tax at kung ano-ano pang tax, at bawat item na bilhin natin, may tax; kahit tambay na jobless, nagbabayad ng tax ‘pag bumili ng yosi, alak, at iba pang bisyo nila, pwera ang illegal drugs — lahat may tax.
Doon sa tax natin nanggagaling ang biglang pag-asenso sa buhay ng ating mga politiko.
Pero teka, bakit ayuda lang yata ang alam na gawin ng gobyerno para tulungan ang pinakamamahal nilang taumbayan?
Bakit hindi gamitin ang bilyon-bilyong pera sa pagtatayo ng pabrika, ng cold storage para doon maimbak ang sobra at saganang ani ng ating magsasaka at mangingisda; sana ipambili ng modernong gamit sa produksyon ng pagkain at ipondo sa totoong libreng medical services at iba pang totoong proyektong mag-aangat sa buhay at kabuhayan ng taumbayan?
Ah, mahirap kasi sa masisipag nating politiko ang mag-isip ng ganyang proyekto o baka naman sobrang tamad lang sila at ayuda na lang ang alam nilang solusyon laban sa poverty at kung laging paasa at nag-aabang sa ayuda at tulong ang pobreng Pinoy, madali lang silang mapapasunod sa gusto nila.
Beggars can’t be choosers: ito ang pilosopiya nina Congressman at Senador.
Kahit ano lang ang ibinigay, iabot, iayuda, laking pasasalamat na ng pulubi!
‘Yung konting limos, abuloy na pinangalanang ayuda ng mga honorables natin, sa totoo lang, konti lang iyon sa natatanggap natin; at ang totoo, mas malalaki ang iniaayuda ng mga politikong ito sa kanilang sarili na kita naman ang luho ng pamumuhay nila.
Sa madlang Pinoy, nangungupahan, at kung may bahay, hulugan at madalas ay nareremata pa ‘pag nawalan ng trabaho o naging biktima ng karahasan o aksidente ang bread winner.
Si Honorable, naka-condo, may mansion, may kung ano-anong kalayawan na madaling isipin na mas malaki ang inaayuda nila sa sarili, kaysa taumbayang pinangakuan na hahanguin, pagiginhawain ang buhay.
Sa diretsong salita: pang-akit ito ng mga politiko at pambili ng boto ang ayuda; simpleng paraan ito ng vote-buying!
Bakit pa nga mag-iisip na ikabubuhay ang honorables, e mas madali ang mamigay ng cash aid, mamahalin ka pa ng tao, at madaling gawin ang mamigay ng ayuda.
Matrabaho ang proyektong panghanapbuhay at bisyo ng maraming politiko ang katamarang mag-isip ng totoong proyektong bubuhay sa mahihirap.
‘Pag may kaya na ang mahirap, ‘pag umasenso ang mahihirap at hindi na aasa sa ayuda, mahihirapan na silang mabola at mauto ng mga politiko.
Hindi limos, hindi ayuda ang kailangan natin: totoong trabaho, totoong tulong pangkabuhayan at totoong serbisyong magbibigay sa atin ng tunay na pag-asenso!
***
Teka, hindi lahat ng ayuda ay masama, ang totoo, mabuti itong magbigay, mag-share sa kapwa na walang-wala.
Kalinga ito sa kapwa, tulad ng utos ni JesuCristo na mahalin natin ang kapwa, lalo na ang mahihirap.
Marami ring ganyang politiko at mga tunay na pilantropo.
Sila ‘yung pag nagbigay, hindi na ipinagyayabang at ipinagmamapuri sa publiko.
Sila ‘yung totoo na bukal sa puso ang kawanggawa at ang ayuda ay tunay na bigay at walang kapalit at hangad na magpasikat.
Kusa, bukal sa puso at walang interes na pansarili ang pamimigay ng ayuda, ng tulong na pagkain, salapi, gamot, salapi at iba pa upang maitawid sa panganib at krisis ang mga kaawa-awa.
Sila ang kahanga-hanga at huwarang kawanggawa.
Marami akong kilalang politiko, mayaman, pilantropo, negosyante at karaniwang tao.
Ang tulong na bukal sa puso ay inililihim na ang tanging kapalit ay simpleng “Salamat po!” ay higit pa sa sobrang kasiyahan ng mga tunay na mapagkalingang politiko.
Hindi sila mapagmapuri sa sarili — tunay sila kung magmahal at ang mga ganyang tao at dapat nating purihin, hangaan at tularan kung dumating na tayo naman ay gumaan sa buhay at magkaroon ng pagkakataong makatulong sa kapwa.
Pag-ibig na makatao at maka-Diyos, ang ugaling ito na dapat nating taglayin.
Hindi sila mga utak-busabos at ugaling pulubi na gawa ng mga politikong kailangan ang papuri, publisidad at pamamanginoon ang nais na sukli sa pera at ayudang galing sa pera ng bayan.
Yes, kunin natin ang ayuda na bigay at ibibigay pa nila — pera natin iyon.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
46
