UMAABOT umano sa P56 bilyon ang naideliber ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez mula nang maupo si Co bilang chairman ng House committee on appropriations.
Ito ang bagong akusasyon ni Co sa isang video statement na inilabas kahapon. Una niyang pinasalamatan ang mga aniya’y bukas ang isip na nakikinig sa kanyang panig at iginiit na hindi siya makakauwi sa bansa dahil umano sa banta sa kanyang buhay.
“Ngayon naman ay meron kaming natanggap na balita. Papalabasin ng administrasyon na ako ay isang terorista sa loob at labas ng Pilipinas para mailibing ako kasama ang katotohanan kahit saan man akong pumunta,” pahayag ni Co.
Pinabulaanan din niya ang pahayag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) First Bulacan Engineering District Engineer Henry Alcantara at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na P21 bilyong SOP umano ang napunta sa kanya.
“Hindi po totoo ‘yon. Wala po akong natanggap na ganyang halaga. Ang totoo, mula 2022 hanggang 2025 ang kabuuang pera na dumaan sa akin para ibigay kay Pangulong Bongbong Marcos at kay dating Speaker Martin Romualdez ay umabot sa 56 billion pesos,” ayon kay Co.
Hindi pa umano kasama rito ang komisyon sa P100 bilyong insertion na iniuugnay niya sa Pangulo para sa 2025 DPWH budget, kung saan una niyang sinabi na P25 bilyon ang naideliber niyang komisyon kay Romualdez at P97 bilyon ang insertions sa 2025 National Expenditure Program para sa flood control projects.
Ayon kay Co, sinabi umano sa kanya ni Romualdez pag-upo niya bilang appropriations chairman noong 2022 na kailangan niyang makapag-deliver ng P2 bilyon kada buwan.
Makalipas umano ang ilang araw, tinawagan siya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo upang humingi ng tulong kaugnay ng problema sa pagbaha sa Bulacan.
“Sa meeting namin kay Alcantara, siya mismo ang nag-offer kung paano ang hatian sa mga proyekto ng DPWH: 22 percent para kay Speaker Romualdez, 2 percent kay Usec. Bernardo at one percent para sa kanya,” ani Co.
Dito umano nagsimula ang “deliveries,” kung saan ang mga tauhan ni Alcantara ang nakikipag-ugnayan sa mga tao ni Co na sina Paul Estrada at Mark Tinsay para tanggapin ang pera.
“Minsan sa bahay ko sa Valle Verde, minsan naman sa BGC parking. Pagkatapos nilang makuha ang pera, sina Mark at Paul naman ang nag-aayos at nakikipag-coordinate sa tauhan ni Speaker Martin Romualdez na si Jocelyn Serrano para sa pagdedeliber ng male-maletang pera patungo sa bahay ni Speaker,” sabi ni Co.
Aniya, nagbago-bago ang lokasyon ng delivery points mula sa Forbes Park, McKinley Drive, hanggang sa No. 14 Narra St., South Forbes Park. Giit niya, “Hindi ako nakikialam sa mismong proseso ng paghahatid. Dumaan lang po sa akin ang pera na dinedeliver kay Speaker Romualdez.”
Tinetext daw niya ang dating Speaker tuwing nadadala na ang pera sa bahay nito, mula 2022 hanggang sa huling delivery umano nitong 2025. “Umaabot sa 55 billion peso plus ang naihatid sa bahay ni Speaker Martin Romualdez. Madalas hindi nabubuo ang hinihinging two billion pesos bawat buwan, kaya ‘yan ang final total. Ang sinabi mismo ni Speaker Martin sa akin, na hati sila ni Pangulong Marcos sa perang ‘yon,” ayon kay Co.
Dagdag pa niya, noong Nobyembre 2024, habang tinatalakay pa ang 2025 national budget, nakipagpulong umano sa kanila si Justice Undersecretary Jojo Cadiz at sinabing masama ang loob ng Pangulo dahil wala itong natatanggap na remittances. Mula Setyembre hanggang Nobyembre 2024, lagi umanong pinapagalitan ni Marcos si Romualdez.
Dahil dito, inutusan umano siya ni Romualdez na magdeliver ng P1 bilyon para sa Pangulo. Ayon sa kanya, ang instruction ay dalhin ang pera sa No. 30 Tamarind St., South Forbes Park at ibigay kay Usec. Cadiz.
Sinabi rin umano ni Romualdez na si Pangulong Marcos ang nag-utos na bilhin ang naturang bahay upang magsilbing bagsakan at imbakan ng pera mula sa umano’y SOP collections.
“Sa kabuuan, one billion pesos ang aking naihatid. Ako mismo ang nagbigay ng pera kasama ang aking driver at mga tauhan, at lahat ito ay base sa direktang utos ni Speaker Martin Romualdez.
At diyan nabuo ang kabuuang halaga na P56 billion na ipinadala mula 2022 hanggang 2025,” ayon kay Co, na sinabing sa kabila nito ay nagagalit pa rin umano ang Pangulo.
(BERNARD TAGUINOD)
22
