PASABOG NI ZALDY CO TINABLA NG PALASYO: FAKE NEWS PA RIN

NANANATILING “fake news” sa pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pahayag ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, lalo na ang panibagong pasabog tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Aniya, basahin man ang kanyang mga pahayag online, “wala itong kuwenta” kung hindi niya haharapin ang kaso sa bansa.

“Anyone can go online and make all kinds of claims… but it means nothing. For it to mean something, umuwi siya rito. Harapin niya yung mga kaso niya. Kung meron siyang gusto sabihin, sabihin niya. Malalaman naman ng tao yan,” pahayag ng Pangulo sa press briefing sa Malakanyang.

Hamon ni Marcos: “Come home. Come home. Ba’t ka nagtatago sa malayo? Ako hindi ako nagtatago. Kung meron kang accusation sa akin, nandito ako. Gawin niyang pareho. Para patas lang naman. Okay.”

Nauna rito, muling naglabas ng pahayag si Co sa Facebook, Nobyembre 24, kung saan sinabi niyang hindi siya makauwi dahil sa banta sa buhay niya at umano’y pagtatangkang ilagay siyang terorista upang “ilibing” ang katotohanan.

“Ngayon naman ay mayroon kaming natanggap na balita. Papalabasin ng administrasyon na ako ay isang terorista sa loob at labas ng Pilipinas para mailibing ako kasama ang katotohanan kahit saan man ako pumunta,” sabi ni Co.

Pinabulaanan din niya ang umano’y ₱21 bilyon na napunta sa kanya. Ayon sa kanya, mula 2022 hanggang 2025, umabot sa ₱56 bilyon ang dumaan sa kanya para kay Pangulong Marcos at dating Speaker Martin Romualdez, bukod sa naunang ibinunyag na ₱100 bilyon at ₱97 bilyon na pondo sa national budget.

Matatandaang unang ibinahagi ni Co noong Nobyembre 14 na may utos diumano si Pangulo na mag-insert ng ₱100 bilyon sa 2025 national budget.

(CHRISTIAN DALE)

22

Related posts

Leave a Comment