P7-B PROPERTIES NG FLOOD CONTROL SCAM SUSPECTS ISINAILALIM SA FREEZE ORDER

UMAABOT sa P7 bilyon na halaga ng web of accounts ng mga personalidad na isinasangkot sa anomalya sa mga flood control project ang isinailalim sa freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Kinumpirma ito ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian sa tanong ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa deliberasyon ng budget ng AMLC.

Ayon kay Gatchalian, umaasa ang AMLC na makakarekober pa sila ng hanggang tatlong beses sa halaga ng na-freeze na.

Ikinatuwa naman ni Lacson na nasimulan na ng AMLC ang pag-freeze ng web of accounts ng mga indibidwal na may kaugnayan sa mga iregularidad sa flood control projects.

Binigyang-diin niya na sa ilalim ng inamyendahang Anti-Money Laundering Act, may kapangyarihan ang AMLC na habulin ang nakaw na pera kahit nailipat pa ito sa mga kamag-anak, kapatid, kaibigan, o sinumang pinaglipatan.

Samantala, ibinalik ng Senate Committee on Finance ang inirekomendang pondo ng AMLC para sa 2026 na nagkakahalaga ng P333 milyon.

Ipinaalam ni Gatchalian kay Lacson na mula sa P170.161 milyon na nakapaloob sa National Expenditure Program, ibinalik nila ito sa P333 milyon sa Senate version ng budget upang mas mapalakas ang kampanya laban sa money laundering at katiwalian sa bansa.

(DANG SAMSON-GARCIA)

29

Related posts

Leave a Comment