HINDI lang umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang may insertions sa pambansang pondo mula 2023 kundi maging ang anak niyang si House Majority Leader Sandro Marcos, na halos P50.9 bilyon ang inilagay sa budget sa loob ng tatlong taon.
Ito ang pinakabagong pasabog ni dating Congressman Zaldy Co sa ika-lima niyang video message kaugnay ng sinasabing anomalya sa flood control projects na nagmula sa mga budget insertions.
Ayon kay Co, ito ang umano’y detalyadong halaga ng insertions ni Sandro Marcos: P9.63B – 2023; P20.17B – 2024; P21.127B – 2025 na may kabuuang P50.938 Billion.
“Hindi lang po ang Pangulo may insertions sa budget, pati po si Congressman Sandro Marcos. At bawat taon po sa tuwing dumarating ang Bicam budget, lagi pong may utos si Congressman Sandro na ipasok ang mga proyekto niya,” ani Co, na nananatiling wala sa bansa.
Ayon kay Co, maging ang ilang contractor ay galit umano kay Sandro matapos mabawasan ang P8 bilyon na gusto nitong ipasok sa 2025 budget. May ilang contractor na umano’y nakapag-advance na ng pera kaya nagalit daw ang batang Marcos.
Bilang patunay, inilabas ni Co ang umano’y listahan ng mga proyektong isiningit ng solon mula nang unang maupo bilang kongresista noong 2022 sa Ilocos Norte.
Insertions ni PBBM
Ibinunyag din ni Co ang umano’y pulong noong Marso 2025 na inayos ni Justice Undersecretary Jose “Jojo” Cadiz kasama si Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sa Aguada St., Malacañang.
Sa halip aniyang kumalma ang Pangulo, lalo pa raw itong nagalit. Ayon kay Co, ito ang mismong sinabi sa kanila: “Huwag mo akong pigilan sa mga insertions ko. Huwag ka nang makialam sa budget.”
Sabi ni Co, dito niya nakumpirma na mismong Pangulo ang nag-utos kina dating Budget Sec. Amenah Pangandaman at PLLO USec. Adrian Bersamin na ipasok ang P100B proyekto sa budget, bagay na hindi naman pinasinungalingan ni Marcos.
Dagdag pa niya, isinulong pa raw ni Cadiz na magsingit ng P50B sa pondo, pero tumugon ang Pangulo ng: “Humingi ka ng bago o dagdag na insertions.”
Resbak ni Sandro: Destab ‘Yan
Mariing itinanggi ni House Majority Leader Sandro Marcos ang mga alegasyon at binansagang pang-“destabilize” lang ang mga pasabog ni Co.
“Anyone can sit in front of a camera from abroad and spew lies. The statement from the newly crowned champion of the DDS cabal, former Congressman Zaldy Co, are frankly a fantastic as the are all false,” ayon sa batang Marcos.
Sinabi ng mambabatas na wala nang kredibilidad si Co na ang tanging layon ngayon ay maglabas ng mga video para i-destabilize ang gobyerno at iniinsulto ang mga Pilipino sa pagsasabing wala siyang nakuhang pera gayung malinaw na siya ang architech aniya ng katiwalian sa flood control projects.
“Evidently, the only path he sees for himself is one where he stirs political chaos in the hope of escaping his own legal troubles. Gusto niyang pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon para maabswelto siya sa kanyang mga krimen,” ayon pa kay Rep. Marcos.
Giit pa ni Sandro, tinanggal si Co bilang appropriations chair noong Enero 2025 dahil naamoy na ng mga kasamahan sa Kamara ang umano’y katiwalian nito.
(BERNARD TAGUINOD)
19
