RAPIDO ni PATRICK TULFO
SA pinakahuling inilabas na video ng nagtatagong dating kongresista na si Zaldy Co, muli nitong inakusahan si Pangulong Bongbong Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez na siya umanong utak ng korapsyon.
Pero paano niya mapatutunayan ang kanyang mga akusasyon kung hindi siya uuwi ng bansa upang manumpa at maging testigo sa kanyang mga sinabi?
Hangga’t hindi umuuwi sa bansa si Co ay mananatiling tsismis lang ang kanyang mga akusasyon. Kailangan niyang sumumpa na tama at walang halong kasinungalingan ang kanyang mga pahayag.
Sa nasabing video ay sinabi niyang ituturing daw siyang terorista. Sa pagkakaalam ko, bago ka matawag na terorista dapat ay mapatunayang ikaw ay banta sa seguridad ng mamamayan at kung ikaw ay nagpaplano ng himagsikan o kaguluhan sa bansa. Kaya’t paano kaya naisip ng nagtatagong kongresista na siya ay ituturing na terorista gayung wala naman siyang ganoong inihayag sa kanyang mga inilabas na video. Sino naman kaya ang matinong maniniwala sa kanyang pahayag na iyon?
Diskumpyado rin ang inyong lingkod sa sinabi ni Co na hindi siya kumita sa anomang transaksyon niya sa gobyerno.
Paano niya maipaliliwanag ang napakarami niyang eroplano, sasakyan at limpak-limpak niyang salapi? Saan at paano niya ito nakuha? Napakaimposible na sweldo lamang niya bilang kongresista, ang ginamit niya upang mabili ang milyon-milyong dolyar na halaga ng kanyang mga ari-arian.
Kaya’t upang patunayan ang kanyang mga pahayag, kailangang himukin ng madla si Co na umuwi ng bansa, panumpaan ang kanyang mga sinabi at patunayan upang masampahan ng kaukulang kaso ang mga dapat na managot sa kontrobersyal na flood control projects at iba pang proyekto sa bansa.
14
