SEN. CAMILLE VILLAR PINANGUNAHAN PAGDEPENSA SA 2026 DOST BUDGET

PINANGUNAHAN ni Senator Camille Villar, ang pinakabatang miyembro ng 20th Congress, ang pagdepensa sa proposed 2026 budget ng Department of Science and Technology (DOST) sa Senado kamakailan. Inirekomenda ang dagdag na pondo na ₱1.3 bilyon upang higit pang mapalakas ang mga pangunahing programa ng ahensya, na binigyang-diin ang kritikal na papel ng agham at teknolohiya sa pagbuo ng isang future-ready na Pilipinas.

“Isa ang DOST sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng inklusibong pag-unlad dahil ito ang sumusuporta sa food at health security, nagpapalakas ng ating disaster resilience, at nagpapataas ng competitiveness ng ating industriya,” pahayag ni Villar. “Bawat pisong inilalagay natin sa agham ay puhunan para sa pamilyang Pilipino—para sa mas ligtas na komunidad, matatag na kabuhayan, mas matibay na industriya, at sa kabataang huhubog ng ating kinabukasan.”

Bilang Chairperson ng Subcommittee L ng Senate Committee on Finance, ilang buwan nang nakipagtulungan si Villar sa DOST para ihanda ang panukalang pondo. Pinangunahan niya ang deliberasyon at tumugon sa mga katanungan ng mga senador hinggil sa mga programa ng ahensya.

Para sa Fiscal Year 2026, nakasaad sa General Appropriations Bill ang ₱30.130 bilyong pondo para sa DOST na sumusuporta sa Office of the Secretary at sa 18 attached agencies. Kabilang dito ang pagpapalakas ng pamumuhunan sa research, paghahanda sa klima at sakuna, digital advancement, regional science initiatives, at karagdagang suporta para sa mga science scholars bilang bahagi ng pagpapatibay sa hanay ng kabataang siyentipiko.

Kasama sa deliberasyon sina DOST Secretary Renato Solidum Jr. at iba pang opisyal ng ahensya upang ipaliwanag ang mga programa at sagutin ang mga tanong ng mga senador.

Matapos ang plenary discussions, idineklarang submitted ang 2026 DOST budget na inendorso ng Subcommittee “L,” hudyat ng pagtatapos ng huling yugto ng proseso ng Senate budget deliberation.

Muling iginiit ni Villar na ang tuloy-tuloy na pagsuporta sa agham at teknolohiya ay nananatiling pangunahing adbokasiya niya, dahil ito ang susi sa mas matatag na komunidad, mas kompetitibong ekonomiya, at bansang handa sa hinaharap.

(DANNY BACOLOD)

30

Related posts

Leave a Comment