WALANG nakitang pagkakamali o paglabag ang Political and Finance Department (PFAD) ng Commission on Elections sa campaign donation kay Senator Chiz Escudero para sa nagdaang halalan.
Sa inilabas na resolusyon ng Comelec, sinabi ng PFAD na magkaiba ang legal entity ni Lawrence Lubiano, ang presidente ng Centerways Construction and Development, sa isang korporasyon.
Ayon pa sa PFAD, walang ebidensya na nagpapatunay na ang kontribusyong P30 milyon na ibinigay ni Lubiano noong 2022, ay nagmula sa Centerways.
Sa depensa ni Lubiano, ang nasabing donasyon na ibinigay niya ay galing sa sarili niyang bulsa o sariling pera.
Dahil dito, sinabi ng COMELEC na walang legal na hadlang sa pagtanggap ng kontribusyon, at inirekomendang ihinto ang imbestigasyon dahil walang sapat na basehan para sa paglabag sa Section 95(c) ng election law.
Nananatiling sarado ang kaso maliban kung may bagong ebidensiyang isusumite.
Inilabas ang resolusyon matapos ang motu proprio investigation kaugnay ng umano’y paglabag sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code ni Escudero at ng contributor na si Lubiano.
(JOCELYN DOMENDEN)
22
