DRUG TEST PARA SA DRAYBER PERO PRESIDENTE, LIBRE? – LCSP

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KUNG ang mga drayber ng public transport ay obligadong sumailalim sa periodic drug test para sa kaligtasan ng mga pasahero, bakit hindi pwedeng hilingin ang drug test para sa pangulo para matiyak na hindi adik ang nagmamaneho ng bansa?

Ito ang tanong ni Atty. Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP).

Ayon kay Inton, istriktong ipinatutupad ng DOTr ang direktiba ng Pangulo na bawal magmaneho ang sinomang drayber o kundoktor kapag nasa impluwensya ng droga o alak. Kapag nagpositibo, suspendido agad ang lisensya at maaaring kanselahin ang prangkisa ng sasakyan.

“Lahat sumusunod — operators, draybers, walang umaangal. Wala silang palusot na ‘wala namang ebidensya na gumagamit kami.’ Kasi kapag tumanggi ka sa drug test, ibig sabihin may tinatago ka,” giit ni Inton.

Pero kapag ang Pangulo naman ang hinihingan ng drug test ay bigla raw nagbabago ang tono.

“Aba, sabi agad, ‘huwag nating i-dignify yan, wala namang basehan sa batas.’ Pero kung para sa drayber, hindi puwede palusutin para lang mapasailalim sa drug test?” tanong pa niya.

Ayon pa sa lider ng LCSP, ang Malacañang ay palaging ikinakatwiran na nasa “tamang pag-iisip at matalino” ang Pangulo. Pero tanong ni Inton, kung ganoon pala, pwede rin bang sabihin ng mga drayber na matalino naman sila kaya hindi sila dapat sumailalim sa drug test?

Ngayong papalapit na ang Christmas season, inaasahang muling maglulunsad ng malawakang drug test campaign para sa mga drayber kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.

Pero ayon kay Inton, habang obligado ang mga tsuper, libre pa rin ang Pangulo.

53

Related posts

Leave a Comment