P2.7-M CASH, ALAHAS NG ONLINE SELLER TINANGAY NG BUYER

CAVITE – Nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Cavite Land Transportation Office (LTO) hinggil sa nagmamay-ari ng isang Mitsubishi Xpander na may plakang CBA 4353, na ginamit na sasakyan ng limang suspek na tumangay ng mahigit P2.7 milyong halaga ng cash at mga alahas mula sa bahay ng isang online seller sa Bacoor City noong Sabado ng hapon.

Inilarawan ang mga suspek na pawang nakasuot ng itim na pantalon at shirt, armado ng ‘di nabatid na kalibre ng baril, at isa sa kanila ay may tattoo sa mukha, at sakay ng isang Mitsubishi Xpander na may plakang CBA 4353.

Ayon sa ulat, magkakilala ang biktimang si alyas “Melissa”, 34, isang online seller, alyas “Alvin”, 48, vice president ng isang manpower agency, at ang isang suspek na dati nilang ka-transaksyon sa online buy-and-sell ng alahas.

Nagkasundo umano ang suspek at biktima na magkikita sa bahay ng huli bandang alas-3:00 ng hapon sa Brgy. Poblacion, Bacoor City dahil bibili umano ng mga alahas.

Subalit habang nagaganap ang transaksiyon ng biktima at suspek nang bigla umanong pumasok ang apat pang suspek nang nakitang bukas ang gate at dumiretso sa 2nd floor ng bahay kung saan tinutukan ng baril at iginapos ang biktima at si Alvin, at tinangay ang tinatayang P1.5 milyong halaga ng mga alahas.

Hinalughog naman ng iba pang mga suspek ang kuwarto ng bahay at tinangay ang tinatayang P1.45 milyong halaga ng cash at dalawang cellphone na nagkakahalaga ng P210,000.00 o kabuuang na P2.7 milyon.

Pagkaraan ay tumakas ang mga suspek lulan ng Mitsubishi Xpander sa direksyon ng Binakayan.

(SIGFRED ADSUARA)

46

Related posts

Leave a Comment