NABABAHALA ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa planong gawing tatlo mula dalawa ang bilang ng accredited management company sa ilalim ng Passenger Personal Accident Insurance (PPAI) Program na isinasailalim sa konsiderasyon ng Insurance Commission (IC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa LCSP, ang two-group structure ng PPAI ay matagal nang ipinatupad upang resolbahin ang mga dating problema gaya ng pekeng insurance coverage, delayed claims, at hindi patas na kompetisyon. Sa paglipas ng panahon, napatunayan umano nitong epektibo at nagbigay ng matatag at maaasahang proteksiyon sa mga pasahero.
“Hanggang ngayon, wala namang inilalabas na pampublikong determinasyon na nagsasabing pumalya o kulang ang two-group system,” diin ng grupo.
Mas lalong ikinabahala ng LCSP ang umano’y tahimik na akreditasyon ng ikatlong management company—walang public announcement, walang konsultasyon, at walang abiso sa mga PUV operator, drayber, at commuter.
Dagdag pa ng grupo, hindi rin malinaw kung sinu-sino ang bumubuo sa consortium, mga kasaling insurer, at iba pang kaakibat na entity ng bagong accredited management company, sa kabila ng sapilitang katangian ng PPAI at direktang pinansyal na epekto nito sa mga stakeholder.
Ipinaliwanag ni LCSP president Atty. Ariel Inton na malinaw na saklaw ng Artikulo II, Seksyon 28 ng 1987 Konstitusyon ang PPAI Program, dahil ito’y may direktang kinalaman sa kaligtasan ng pasahero, mandatory insurance payments, at claims para sa pinsala o kamatayan.
“May malinaw na public interest dito kaya nararapat ang ganap na pagsisiwalat,” ani Inton.
Bukod dito, binigyang-diin ng LCSP na posibleng may isyu rin sa due process sa ilalim ng Artikulo III, Seksyon 1 ng Konstitusyon at ng Administrative Code of 1987, dahil ang pagbabago ay may epekto sa karapatan at obligasyon ng mga operator, drayber, at commuter ngunit isinagawa umano nang walang sapat na abiso at konsultasyon.
Ayon pa sa LCSP, ang paglipat mula two-group patungong three-group system ay hindi simpleng teknikal na hakbang. May epekto ito sa risk pooling, pagproseso ng claims, stability ng premium, at pangkalahatang pangangasiwa ng PPAI Program—kaya dapat malinaw na sumusunod sa Terms of Reference (TOR), accreditation rules, at evaluation standards.
123
