DILG: POLICE MAJOR TINUKOY NA PROTEKTOR NG ILEGAL NA CIGARETTE FACTORY SA CEBU

DIREKTANG pinangalanan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang isang police major bilang umano’y protector ng ilegal na pabrika ng sigarilyo sa Negros Island Region.

Kinilala ang opisyal na si Police Major Edgar Tonico Jr. ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bacolod City.

Ayon kay Remulla, kasalukuyang nasa preventive custody si Tonico at sumasailalim sa case build-up para sa posibleng kasong may kaugnayan sa ilegal na paggawa ng sigarilyo at illegal gambling.

Sinabi rin ng kalihim na hindi ginamit ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa Negros Island Region sa isinagawang operasyon noong Abril 24 dahil sa umano’y pagkakasangkot ng opisyal.

Sa halip, ang CIDG Cebu at CIDG Main mula sa National Capital Region ang nagsagawa ng raid sa Talisay City na nagresulta sa pagkakumpiska ng tinatayang P800 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo.

Sinabi ni Remulla na tinutugis din ang dalawang indibidwal na kinilalang alyas “Don Robert” at “Macmac,” na umano’y nasa likod ng operasyon.

Nilinaw din ng kalihim na wala pang sapat na ebidensiya upang iugnay ang negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang sa nasabing ilegal na aktibidad, bagaman patuloy ang imbestigasyon.

Ayon pa kay Remulla, may indikasyon na iisang operasyon lamang ang nasa likod ng ilegal na tobacco manufacturing at e-sabong activities sa rehiyon.

Ilang Chinese nationals din ang naaresto sa naturang operasyon, ayon sa mga awtoridad.

(PAOLO SANTOS)

95

Related posts

Leave a Comment