BENEPISYO NG 4Ps BAKIT ANG SIMPLENG MAMAMAYAN ANG PUMAPASAN?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

TINATAYANG nasa P14-B ang ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ibigay na refund ng MERALCO sa mga consumer nito sa mga darating na buwan.

Ito ay matapos umani ng maraming negatibong reaksyon mula sa mga consumer ang tila napakataas na bill ng kanilang kuryente ngayong buwan.

Matatandaang nagtaas ng P.64/kWh ang MERALCO noong Marso habang karagdagang P.53/kWh naman nitong Abril sa gitna ng nagaganap pa ring giyera sa Gitnang Silangan na dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Pero ipinaliwanag ng MERALCO na ang karamihan sa kanilang singil ay dahil sa mga mandatong buwis, subsidy at generation fees na ipinataw ng gobyerno sa kanilang kumpanya. Hindi umano nila kita ang mga ito at direktang napupunta sa gobyerno.

Kaya nga biglang kabig ang ERC at biglang nag-utos ng refund sa mga consumer, matapos madiskubre na dagdag-pasanin ng mamamayan ang mga dapat na ibigay na tulong ng gobyerno sa mga tao ngayong panahon ng krisis.

Sa madaling salita, kinakarga sa simpleng mamamayan ang ibinibigay na diskwento ng pamahalaan sa mga nasa laylayan ng lipunan katulad na lang ng mga miyembro ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program, bilang kanilang benepisyo.

Kawawa naman ang mga kababayan nating nasa mababa at middle class na nagpapakahirap magtrabaho dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, gayung ang mga walang trabaho ay nakakukuha ng tulong mula sa gobyerno na kinukuha naman sa pinagtatrabahuan ng mga simpleng mamamayan.

Kailan pa naging kasalanan ng mga may trabaho at naka-aangat sa buhay ang problema ng mga nasa laylayan ng lipunan? Trabaho ng gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng mga ito, hindi sa expense ng mga kababayan nating nagsisikap na magtrabaho upang mabuhay ang sarili nilang pamilya.

Sa rami ng issue ng kurakot sa bansa, nakagagalit na ang dapat na pondo para sa mga subsidiya ay napupunta lang sa bulsa ng mga sakim.

86

Related posts

Leave a Comment