(NI JESSE KABEL)
PINAGPAPALIWANAG ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyales ng may 1,129 barangays dahil umano sa kabiguan nila na makiisa sa rehabilitasyon ng Manila Bay, ayon kay Interior Undersecretary Martin Diño.
Babala pa ni Diño, sasampahan ng reklamo ang mga barangay officials sa tanggapan ng Ombudsman sa oras na mabigo silang magpaliwanag sa loob ng limang araw na isinasaad sa inilabas na show-cause order.
Una rito, inatasan ng DILG ang mga opisyales ng may 5,700 barangays sa Metro Manila at mga karating bayan at lalawigan na linisin ang mga coastal areas or inland water systems bawat linggo at i-dokumento ang kanilang aktibidad.
Kaugnay nito, tututukan ng pamahalaan ang pagpaparating sa publiko ng mabigat na kaparusahan laban sa mga nagtatapon ng basura sa mga ilog, lawa, estero sa kalakhang Maynila at kalapit na lalawigan ng Laguna at Cavite.
Ang Manila Bay’s clean-up ay inilunsad noong Enero 27, tatlong buwan matapos wakasan ng gobyerno ang pagpapasara at rehabilitasyon ng Boracay island.
Magugunitang inihayag ng mga eksperto na maaaring tumagal ng ilang taon ang paglilinis ng Manila Bay at gugugulan ito ng aabot sa
P47 billion.