UMAKYAT na sa anim ang sinasabing kumpirmadong nasawi sa pag-collapse ng Binaliw Sanitary Landfill sa Cebu City matapos na may dalawang nahukay mula sa guho nitong Linggo ng umaga.
Nasa 31 naman ang iniulat na nawawala pa matapos na matabunan ang humigit-kumulang sa 50 sanitation workers noong Enero 8, 2026, na ikinasugat din ng 12 katao, pito ang kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Visayas Medical Center, habang lima naman sa NorthGen Hospital.
Ayon sa ulat, na-recover ng rescue teams ang bangkay ng dalawang babae bandang ala-una ng madaling araw at bandang alas-6:00 ng umaga nitong Linggo.
Kinumpirma ni Cebu City Councilor Dave Tumulak, chairperson ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council, ang retrieval sa bangkay ng dalawang babae kahapon.
Habang nagpapatuloy pa rin ang search, rescue at retrieval operation para sa mga natabunan ng pag guho ng nasabing landfill sa gitna ng malalakas na pag-ulan at hazardous debris at peligrong dala ng sumisingaw na methane gas.
Structural at environmental factors ang sinisilip na dahilan sa pagguho ng tambakan ng basura na tumabon sa administrative office at staff housing kaya pinaniniwalaang maraming biktima ang naroon.
Tinatayang 50 sanitation workers ang natabunan noong Huwebes, Enero 8, nang bumagsak ang basura mula sa taas na tinatayang katumbas ng 20 palapag sa pribadong landfill na pinatatakbo ng Prime Integrated Waste Solutions.
Nabatid na ang Binaliw Landfill ay nagpoproseso ng humigit-kumulang 1,000 tonelada ng mga basura araw-araw at nagseserbisyo sa Cebu City at kalapit na mga bayan.
(JESSE RUIZ)
37
