PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang ceremonial na pamamahagi ng “Yormilk” sa mga batang Maynila sa Younger Street sa Barangay 137 sa Tondo, Maynila nitong Lunes ng umaga.
Sa pagpapakilala ni Manila Vice Mayor Chi Atienza sa alkalde, sinabi nito na malaki ang pasasalamat ng mga magulang dahil may isang gobyerno na sa Maynila na naka-alalay sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
“Bilang mga magulang, alam niyo na dapat nutritious ang iniinom at kinakain ng inyong mga anak,” ayon bise alkalde na binanggit din ang hirap ng mga magulang lalo sa solon parents.
Sinabi naman ni Mayor Isko na nabatid nitong lumalaki ang bilang ng pagkabansot dahil sa kakulangan ng tamang nutrisyon.
“Ngayon masaya ako dahil mayroon na akong gatas para sa lolo’t lola ko na spoiled sa ‘kin, nasimulan ko na ‘yon ay tuloy-tuloy pa rin ‘yun. Ngayon may sisimulan tayong panghabambuhay din–mga gatas sa bawat mag-aaral sa Daycare ng lungsod ng Maynila,” sabi ng alkalde.
Aniya, tatlong beses sa isang linggo ang ipamamahaging gatas.
“Yan ay pera ng gobyerno, ng lungsod ng Maynila galing sa taxpayer”, ayon pa sa alkalde.
Sinabi ni Mayor Isko na ang ipinamamahaging gatas para sa mga bata ay sariwa, ligtas, malinis at maayos na gatas na produkto mismo ng ating magbabaka sa Pilipinas, para lumusog ang mga batang Maynila.
Sa pamamagitan aniya ito ng tulong ng City Council, Manila Health Department (MHD), Manila Social Welfare Department (MSWD), 1st District Congressman Ernie Dionisio, Department of Health at VM Atienza na parte sa kooperatiba.
Ang pamamahagi ng gatas sa mga Daycare ay upang maging malusog at makita ang progreso ng mga bata.
(JOCELYN DOMENDEN)
36
