DPA ni BERNARD TAGUINOD
MISTULANG nagkakatotoo ang kasabihan na ang “hustisya ay para lang sa mayayaman” sa kaso ng malawakang pandarambong sa flood control projects kung saan mapepera at makapangyarihan ang hinahabol.
‘Yung ordinaryong mga tao na nagnakaw para may makain ay agad na hinahanap ng mga awtoridad, kinakasuhan at ikinukulong lalo na kapag ang mga biktima nila ay maimpluwensya at may pera.
Kung hindi man ay ipinababarangay ng pinagnakawan kung wala silang planong kasuhan ang mga nagnakaw sa kanila para hindi na umulit at mairekord sa barangay ang ginawang pagnanakaw.
Pero kapag mayaman, maimpluwensya at nasa poder ang inaakusahang nagnakaw ng daan-daang milyones hanggang bilyones sa kaban ng bayan, ay ang hirap silang panagutin dahil kailangan daw dumaan sa due process.
Bago arestuhin ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan, kailangang may arrest warrant muna dahil kung hindi ay magkakaroon ng teknikalidad at malalabag daw ang karapatan ng powerful na magnanakaw.
Hindi iyan ginagawa sa ordinaryong mga tao na kahit wala pang naisasampang kaso at walang arrest warrant basta ginusto ng mga pulis na arestuhin sila ay wala silang magagawa kundi sumama sa arresting officers.
Kabaliktaran sa kaso ng matatalino, mayayaman at makapangyarihan sa gobyerno na kailangan muna silang kasuhan at maglabas ang korte ng arrest warrant bago sila damputin at ihawla.
Pero bago mangyari iyan ay ang dami pa munang proseso ang kailangang gawin at daanan ng inaakusahang kawatan sa gobyerno na lalong magpapatagal sa takbo ng kaso lalo na kapag magaling ang kinuhang abogado.
Para bang sinasadya na patagalin ang proseso para magsawa at mapagod ang mga tao sa kababantay hanggang sa magkalimutan na tulad ng nangyayari ngayon sa anomalya sa flood control projects.
Iyan ang tinatawag nilang “justice delayed, justice denied” kapag ang mga ordinaryong mamamayan na ang naghahanap ng katarungan laban sa mga makapangyarihan at mayayamang kawatan.
‘Yung iba naman na nasasangkot sa katiwalian, kapag hinabol sila ay sasabihin nilang sila ay biktima ng pamumulitika, para takasan ang pananagutan sa batas at taumbayan. Alam mong umiiwas lang sila pero epektib ang kanilang drama.
32
