HAHARAP ngayong Huwebes, Enero 22, sa promulgation sa Tacloban Regional Trial Court ang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio kaugnay ng dalawang kasong tinawag ng mga grupo na gawa-gawa laban sa kanya.
Nanawagan ang Altermidya Network, kasama ang mga tagapagtanggol ng press freedom at malayang pamamahayag, na agad na pawalang-sala si Cumpio at ibasura ang lahat ng kaso laban sa kanya, pati na kina Marielle Domiquil at iba pang akusado na kilala bilang “Tacloban 5.”
Ayon sa grupo, kinakatawan ni Cumpio ang pinakamahusay sa alternative media at community press sa bansa. Bago ang kanyang inilarawang hindi makatarungang pag-aresto, aktibo siyang nag-uulat sa mga isyu ng mga marginalized sector sa Samar at Leyte.
Ipinagpatuloy pa rin umano ni Cumpio ang kanyang trabaho sa community media outfit na Eastern Vista at bilang host ng programang panradyo na “Lingganay Han Kamatuoran” sa kabila ng umano’y pangha-harass, red-tagging, at surveillance.
Giit ng Altermidya, anim na taon ng pagkakakulong nang walang hatol ay labis at hindi makatao.
“Napakalaking kabayaran ang binayaran ni Frenchie Mae dahil lamang sa pagtupad niya sa kanyang tungkulin bilang mamamahayag,” pahayag ng grupo.
Babala pa nila, ang posibleng pagkakakulong o hatol laban kay Cumpio ay magbibigay ng mapanganib na mensahe sa mga mamamahayag at mamamayan, at magdudulot ng nakapanlulupaypay na epekto sa kalayaan sa pamamahayag.
Dagdag pa ng mga tagapagtaguyod ng press freedom, ang paghatol sa kaso ni Cumpio ay maaaring higit pang magpalalim ang kriminalisasyon ng pamamahayag, gawing sandata ang anti-terror laws laban sa paghahayag ng katotohanan, at gawing normal ang matagal na pagkakakulong nang walang desisyon.
Iginiit ng grupo na hindi maaaring ipagmalaki ng Pilipinas ang pagiging demokratiko habang pinapayagan ang mga mamamahayag na mabulok sa kulungan nang walang hatol.
Nanawagan sila ng agarang pagpapalaya kay Frenchie Mae Cumpio at tuluyang pagbabasura ng mga kaso laban sa Tacloban 5.
“Ang malayang pamamahayag ay hindi krimen. Ang malayang pagpapahayag ay hindi terorismo,” giit ng grupo.
(DANNY QUERUBIN)
40
