OPISYAL nang inilipat mula sa Senado patungo sa Department of Justice (DOJ) ang kustodiya kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara.
Kinumpirma ito ng DOJ matapos ang mahigit isang buwan mula nang ma-admit si Alcantara sa Witness Protection Program (WPP) kaugnay ng mga kasong isinampa sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, nasa kustodiya na ng WPP si Alcantara simula nitong Miyerkules, Enero 21, 2026, matapos itong ilipat mula sa detention facility ng Senado.
Pormal na ring nagsumite ang Justice Department ng liham kay Senate President Vicente Sotto III kaugnay ng paglipat ng kustodiya.
Tiniyak naman ng DOJ na patuloy pa ring makikipagtulungan si Alcantara sa Senado sakaling kailanganin ang kanyang presensya sa mga susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Nauna nang sinabi ni Martinez na kinakailangan pa ring magsumite ng mga affidavit si Alcantara sa DOJ upang magamit sa pagdinig ng mga kaso bilang isang state witness.
(JULIET PACOT)
(Photo: DANNY BACOLOD)
50
