NAGPARAMDAM NA? ZALDY CO MAY ‘SURRENDER FEELERS’ – DOJ

KINUMPIRMA ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na may mga umano’y “feelers” na ipinaaabot si dating AKO Bicol Party-list rep. Elizaldy “Zaldy” Co para makipagdayalogo sa pamahalaan.

Ayon kay Remulla, ang mga pahiwatig ay dumaan sa ilang pari na personal niyang kakilala. Gayunman, nilinaw ng kalihim na hindi pa beripikado ang nasabing impormasyon.

Sa kabila nito, iginiit ni Remulla na sineseryoso ng pamahalaan ang anomang indikasyon ng pakikipagdayalogo ng dating mambabatas.

Si Co ay pinaghahanap ng mga awtoridad kaugnay ng umano’y P96.5 milyong maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro. Huling namonitor ang dating kongresista sa Portugal.

Walang Epekto – DOJ

Nilinaw naman ng Department of Justice (DOJ) na walang magiging epekto sa mga kasong kinakaharap ni Co ang mga sinasabing “surrender feelers.”

“Yung ongoing investigations may mga proseso ito. Will it affect? Of course, we don’t weigh evidence na wala doon sa proseso,” pahayag ni DOJ Secretary Fredderick Vida.

Aniya, pormal na ebidensya lamang na isinumite sa mga piskal ang pagbabasehan sa pagsusuri ng mga kaso.
“So, I don’t think feelers will help him,” dagdag ni Vida.

Nahaharap si Co sa mga reklamong malversation, graft, at plunder kaugnay ng kontrobersyal na flood control scandal.

Dagdag na Kaso Ikinakasa

Bukod pa rito, ikinakasa na rin ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang karagdagang kaso laban kay Co matapos matuklasang peke ang plaka ng isa sa mga luxury vehicle na nakumpiska sa Taguig City.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang PNP-HPG sa Land Transportation Office (LTO) para sa pagsasampa ng mga karagdagang reklamo.

Lumabas sa isinagawang macro-etching examination na peke ang plaka ng isang Ferrari na kabilang sa mga nakumpiskang sasakyan na sinasabing pag-aari ng dating kongresista. Napag-alaman ding ang naturang sasakyan ay nakarehistro sa ibang indibidwal na siya ring may-ari ng kaparehong modelo.

Ayon kay Acting PNP Chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang pagkakatuklas ng pekeng plaka ay nagsilbing malinaw na batayan sa ikinasang operasyon ng pulisya.

Nauna nang kinumpiska ang mga mamahaling sasakyan sa parking area ng isang condominium sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City noong Enero 8, sa bisa ng mga search warrant.

(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)

45

Related posts

Leave a Comment