PUNA ni JOEL O. AMONGO
KAHIT anong pagtatago o pagtanggi ng mga gumawa ng kasalanan tulad ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, kapag karma na ang kumilos ay hindi kayo makawawala.
Magaling maghanap ng address ang karma, kahit saan man kayo magtago na gumawa ng kasalanan, lalo kapag maraming tao na ang inyong naperwisyo, hindi kayo patutulugin ng inyong konsensiya.
Tulad halimbawa kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Senior, sa lakas niya ay tinagurian pa siyang “strongman” ngunit hindi niya akalain na mapatatalsik siya sa Palasyo ng Malakanyang.
Ngayon tila mauulit ito sa kanyang anak na si Pangulong Junjun Marcos. Sabi nga ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson, mas malala pa ang korupsyon sa ilalim ng panunungkulan ni Junior kaysa kanyang amang si Ferdinand Marcos, Sr.
Sa administrasyon ng kanyang ama ay milyong piso ang pinag-uusapan, ngayon ang korupsyon ay umabot na ng trilyong piso, nagsimula ito noong taong 2023, 2024 at sa 2025 national budget na tinawag na pinakakorap sa kasaysayan ng Pilipinas.
Dati-rati ang naririnig ko, ang budget ng bawat isa sa mga kongresista sa loob ng isang taon ay umaabot lamang ng mahigit-kumulang sa 60 milyong piso, at ang para naman sa bawat isang senador ay nagkakahalaga ng mahigit-kumulang sa 80 milyong piso.
Pagpasok sa termino ni Junjun Marcos na nagsimula noong 2022 hanggang ngayon, ay umabot na ng bilyun-bilyong piso ang kanilang “allocables” at hindi lang ang mga mambabatas kundi maging ang mga cabinet member ay mayroon din nito.
Hindi naman yumaman ang bansang Pilipinas, bagkus ay lalo pang naghirap ang mga Pilipino, subalit lumaki ang tinatawag na “allocables” ng mga ito.
Ipinagbawal na ng Korte Suprema ang pork barrel, pero hindi pa rin ito nawala dahil binago lamang nila ang pangalan nito bilang “allocables.”
Bagama’t kitang-kita na ang korupsyon ay hindi pa rin kaya panagutin ang mga ito dahil hanggang ngayon ay sila pa rin ang nagpapatakbo sa bansa.
Tulad halimbawa ng ginawa ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na ang itinuro mismo sa kanyang Part 1, 2, 3, 4, 5 at 6 videos expose, ay ang Unang Pamilya ng Marcos mismo ang nangunguna sa korupsyon sa gobyerno, ngunit tila inililihis sa kanila ang usapin.
Itinatag ni Junjun Marcos ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), at bumuo ng “Isumbong mo sa Pangulo Website” na tila iniiwasan na ang isyu ng korupsyon sa gobyerno, ngunit hindi ito makarating sa Unang Pamilya.
Nagkaroon na ng kaliwa’t-kanang kilos-protesta laban sa korupsyon subalit hindi natitinag ang BBM admin at ilang mga mambabatas ang idinadawit na nakinabang ng maanomalyang mga proyekto ng DPWH, na umaabot daw ng 25% hanggang 30% ng bawat pondo ng proyekto ang napupunta sa kanila.
Bagama’t malaki ang halaga ng pinag-uusapan sa korupsyon sa mga proyekto, subalit hindi naman naparurusahan ang mga ito.
Mahigit sa dalawang taon na lang ang natitira sa termino ni Junjun Marcos, mukhang malabong maparusahan ang mga nagkamal ng pondo ng bayan.
Ang aasahan na lang ng mga Pilipino ay ang karma at ang parusa mula sa langit.
Hindi habambuhay na ang mga nagkakamal ng pera ng publiko ay mananatiling nakalalaya, darating at darating ang panahon na matatapos ang kanilang mga kalokohan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
47
