DPA ni BERNARD TAGUINOD
HINDI ko magets si Sen. Rodante Marcoleta na kumukuwestiyon sa restitution o ipinababalik sa mga inaakusahang nagnakaw sa kaban ng bayan ang kanilang ninakaw kapalit ng pagiging state witness.
Noong baguhan ako sa media, ang unang assignment ko ay police beat, marami kaming istorya ukol sa petty crimes tulad ng pagnanakaw, snatching at pandurukot at kapag nahuli ang suspek ay ipinababalik ang kanilang ninakaw sa kanilang biktima.
Kahit hindi pa umaakyat sa korte ang kaso ay nagkakaroon ng kasunduan ang biktima at suspek na kapag ibinalik ang ninakaw ay magkakaroon ng kapatawaran at hindi na itutuloy ang demanda.
Kung ginagawa ito sa petty crimes, bakit hindi dapat gawin sa government officials o mga pribadong indibidwal na sangkot sa mga anomalya o pagnanakaw sa kaban ng bayan? Walang logic.
Kumpara sa mga holdaper at snatchers, bilyon-bilyong piso ang pinag-uusapang ninanakaw ng mga kawatan sa gobyerno at mga pribadong indibidwal na nagsasabwatan para nakawan ang mamamayan.
Hindi dapat hintayin ang korte na magdesisyon kung magkano ang dapat isauli ng mga inaakusahang nagnakaw sa kaban ng bayan dahil sa tagal na takbo ng hustisya sa ating bansa, baka wala nang maisosoli ang mga ‘yan.
Kailangang tanggapin kung anoman ang unang isasauli ng mga inaakusahang kawatan at kung meron silang dapat isauli pa ay ipaubaya sa korte ang pinal na desisyon at mag-utos sa kanila pagkatapos ng kaso.
Pero ang nais ni Sen. Marcoleta ay hindi dapat gamitin ang restitution para maging basehan para maging state witness ang inaakusahan tulad ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya.
Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Marcoleta na kuwestiyonin ang Department of Justice (DOJ) sa restitution process na isa sa mga dahilan kung bakit hindi nakukuha bilang state witness sa flood control projects anomaly ang mag-asawang Discaya.
Lalo tuloy umaangas si Curlee Discaya kaya nasabi niya sa Senate Blue Ribbon Committee na “parang modern day pagnanakaw” at sila pa ang parang nanakawan sa restitution na ikinagalit at ikinapikon ng sambayanang Pilipino.
Sinabi kasi ni Discaya na “… para sa akin po, parang kami po ang nanakawan. Parang ibig sabihin, parang modern day na pagnanakaw. Ibig sabihin, ‘yung nakaw ba, siya pa ang magbibigay ng pera doon sa ninakawan niya? Parang gano’n po”.
Baka ganyan din ang ikakatwiran ng mga kawatang government officials. Nakapipikon nga!
49
