BATANGAS – Patay ang isang 18-taong gulang na estudyante matapos saksakin ng kapwa mag-aaral sa harap ng kanilang paaralan sa Brgy. Poblacion Zone 2, sa bayan ng Taal sa lalawigan noong Martes ng hapon, Enero 20.
Ayon sa Taal Municipal Police Station, isinugod ang biktima sa Our Lady of Caysasay Medical Center sa Lemery, Batangas dahil sa mga tama ng saksak sa tiyan ngunit idineklarang wala nang buhay ng attending physician.
Lumabas sa imbestigasyon na bandang alas-3 ng hapon nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek sa tapat ng Rizal College.
Nauwi ito sa pisikal na komprontasyon hanggang sa bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima nang ilang beses.
Agad nagresponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng follow-up operation na ikinaaresto ng suspek sa Brgy. Luntal, Taal, Batangas.
Ang suspek, isang 18-taong gulang na estudyante, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Taal MPS at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanya para sa pagsasampa sa korte.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon at inaalam ang pinag-ugatan ng krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
42
