P33-M FMR MAGBUBUKAS NG OPORTUNIDAD SA ARBs sa NEGROS ISLAND

NANINIWALA ang Department of Agrarian Reform (DAR) na mas ligtas at mas mabilis na ngayon ang pagdadala ng ani sa pamilihan ng agrarian reform beneficiaries (ARB) sa Barangay Cabcaban, Bindoy, Negros Oriental matapos pormal na ipa-turnover ng DAR Negros Island Region ang bagong P33-milyong farm-to-market road (FMR).

Sinabi ng DAR, ang 1.26-kilometrong kalsada, na naisakatuparan sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Bindoy, ay nagpapahusay sa araw-araw na access ng mga ARB sa mga pamilihan, farm inputs at pangunahing serbisyo. Malaki rin ang naitutulong nito sa pagbawas ng gastusin at pagkaantala sa pagbiyahe na matagal nang suliranin ng mga magsasaka sa lugar.

“Malaking tulong ang kalsadang ito upang mas madali nilang maihatid ang kanilang ani at mas kumita mula sa kanilang pinaghirapan. Pinatitibay nito ang kanilang kabuhayan at pinalalakas ang lokal na produksyon ng pagkain,” ayon kay DAR NIR Regional Director Lucrecia S. Taberna.

Nabatid pa sa DAR, dati ang hindi maayos na kondisyon ng kalsada ay nagdudulot ng mataas na gastos sa transportasyon at limitadong access sa merkado, lalo na tuwing tag-ulan. Sa mas maayos na koneksyon, inaasahang tataas ang produktibidad ng mga magsasaka, mababawasan ang post-harvest losses at lalawak ang mga oportunidad sa kabuhayan.

Ang farm-to-market road sa Bindoy ay bahagi ng pambansang programa ng DAR sa pagpapaunlad ng imprastruktura na layong palakasin ang koneksyon sa mga kanayunan at suportahan ang food security ng bansa. Sa pamamagitan ng mas maayos na ugnayan ng mga sakahan at pamilihan, mas nagiging matatag ang agricultural supply chain na kapaki-pakinabang sa parehong mga prodyuser at konsyumer.

Patuloy ang DAR sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at katuwang na ahensya upang maipatupad ang mga proyektong direktang nagpapabuti sa buhay ng mga magsasaka at nagtataguyod ng mas matibay at mas matatag na mga agrarian reform community sa buong bansa.

(PAOLO SANTOS)

37

Related posts

Leave a Comment