UMANI ng batikos ang Department of Health (DOH) matapos lumutang ang mga dokumentong umano’y naglalantad na ang pinakamalaking alokasyon ng Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) sa panukalang 2026 National Budget ay napunta kay Senator Christopher “Bong” Go.
Batay sa ulat, nag-leak umano ang mga dokumento mula sa tanggapan ni DOH Undersecretary Elmer Punzalan. Sa mga annex ng panukalang badyet ng DOH, nakasaad ang listahan ng MAIP allocations na iniuugnay sa ilang senador bilang bahagi umano ng budget amendments.
Sa naturang listahan, si Sen. Go ang may pinakamalaking alokasyon na umaabot sa P300 milyon. Sumunod umano si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na may P200 milyon.
Ang nasabing paglalaan ay tahasang sumasalungat sa bagong polisiya ng pamahalaan na nagbabawal sa pag-uugnay ng MAIP sa mga politiko. Layunin ng patakarang ito na wakasan ang “patronage politics” at tiyaking ang tulong medikal ay direktang napupunta sa mga pasyente at walang tatak ng pulitika.
Si Sen. Go ay kilalang malapit na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang sinabi ni DOH Undersecretary Albert Domingo na ang pondo ng MAIP ay dapat direktang i-download lamang sa mga ospital na pinatatakbo ng mga local government unit (LGU), at hindi dumaraan o iniuugnay sa mga mambabatas.
Habang sinusulat ito ay wala pang opisyal na pahayag ang DOH kaugnay ng isyu. Hindi pa rin nagbibigay ng komento ang tanggapan ni Go.
(JULIET PACOT)
25
