MERIT-BASED SCHOLARSHIP SA SENIOR HIGH, TECH-VOC NILARGA NG MARCOS ADMIN

INILUNSAD ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang bagong merit-based scholarship program na magbibigay-daan sa mga top-performing senior high school at technical-vocational graduates na makapagpatuloy ng mas mataas na edukasyon na nakahanay sa priority sectors ng bansa.

Sa paglulunsad ng PBBM-Gabay ng Bayan Programs, sinabi ng Pangulo na tinutupad ng Bagong Pilipinas Merit-Based Scholarship Program (BPMSP) ang kanyang pangakong palawakin ang access sa quality education anuman ang background o lokasyon ng mga mag-aaral.

Ang talumpati ng Pangulo ay idiniliber ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos noong Biyernes, Enero 23, dahil hindi nakadalo ang Pangulo bunsod ng kanyang diverticulitis diagnosis.

Sa ilalim ng BPMSP, ang top five graduates ng bawat senior high school sa bansa—mula man sa pampubliko o pribadong paaralan—ay maaaring mag-enroll sa undergraduate o technical-vocational diploma programs. Prayoridad ang mga kursong tumutugon sa hard-to-fill at high-priority sectors ng bansa.

Ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na ang hindi pagtugon sa skills gaps ay maaaring makahadlang sa pag-unlad ng ekonomiya.

Isinasagawa ang programa katuwang ang Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Inaasahang gagawing pormal ang programa sa pamamagitan ng malinaw na mga polisiya at alituntunin upang matiyak ang integridad at transparency sa implementasyon.

Kasabay nito, inanunsyo rin ng Pangulo ang Project Patuloy na Edukasyon, Patuloy na Pag-Ahon (Project PEPA), isang nationwide information caravan na magdadala ng impormasyon ukol sa government-funded education programs sa mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Target nitong maabot ang humigit-kumulang 490,000 senior high school graduates mula sa 4Ps households.

Ipinakilala rin ang CHED-TANAW, isang national data visualization platform na magpapakita ng pinagsamang datos sa higher education enrollment, scholarships, mga institusyon, at graduate outcomes upang palakasin ang transparency at policymaking.

(CHRISTIAN DALE)

15

Related posts

Leave a Comment